Namatay si Fernando ng walang habilin, kaya nagsampa si Anita ng reklamo laban kay Francisco at ang asawa nitong si Norma para sa kanyang minanang parte na binubuo ng Lote 943 at 871. Ang loteng 943 ay nakatitulo na sa pangalan ni Fransisco at Norma sa pamamagitan ng lubusang kasulatan ng pagbibili noong nabubuhay pa si Fernando. Ang lote 871 ay nakarehistro pa rin sa pangalan ni Fernando pero ang pamumusisyon dito ay kina Francisco at Norma. Sabi ni Anita,ang mga lote ay mga mana niya kaya hiniling niyang ang titulo sa lote 943 ay ipawalang bisa dahil ang pagbibili rito ay huwad at dapat lisanin ng mag-asawa ang lote 871 at ibigay sa kanya ang pamumusisyon dito.
Itinanggi nina Francisco at Norma ang kaalaman sa kasulatan ng pagbibili sa kanila ni Fernando. Ipinagbili ang lote 943 sa kanila nang may konsiderasyon at ito ay isang balidong pagbibili at hindi maaaring kuwestiyunin. Hindi rin naisama ang mga kapatid na sina Rosendo at Marita na siyang kinakailangang partido sa nasabing aksyon. Tama ba sina Francisco at Norma?
Tama. Walang duda na hinati at ipinamahagi na ni Fernando ang kanyang mga ari-arian sa tatlo niyang anak maliban kay Anita sa pamamagitan ng kasulatan ng pagbibili. Nang maging American citizen si Anita, hindi ipinahihintulot ng Konstitusyon ang pagbibili ng ari-ariang real sa kanya. Hindi naman maitatanggi na ang mga loteng 943 at 871 ay mga mana ni Anita.
Ayon sa Artikulo 1080 ng Kodigo Sibil, igagalang ang pagpaparteng ginawa ni Fernando kung hindi napinsala ang mga ledyitim ng mga sapilitang tagapagmana dito. Ayon naman sa Artikulo 1061, ang ledyitim ng mga sapilitang tagapagmana ay matitiyak lamang matapos magkaroon ng pagsusulitan (collation) o matapos maisauli sa katipunang-ari ng estado ang alinmang ari-arian o karapatang tinanggap nila sa yumao, samantalang nabubuhay pa ang huli.
Ang pagsusulitan ay hindi magagawa dahil ang orihinal na petisyon ni Anita patungkol sa kanyang mana ay naisampa lang niya laban kay Francisco, isa sa mga sapilitang tagapagmana, kaya ito ay madidismis. Subalit maaaring simulan muli ang isang aksyon kung saan ang lahat ng sapilitang tagapagmana ay kasama para sa pagtitiyak ng kanilang ledyitim at para malaman din kung napinsala ang kanilang ledyitim nang magparte si Fernando nung nabubuhay pa siya.
Hindi rin maaaring kuwestiyunin ni Anita ang titulo sa lote 943. Ang titulo kapag nairehistro na, hindi na maaaring palitan, dagdagan o bawasan o kuwestiyunin maliban na lamang sa mga dahilang pinahihintulot ng batas. Ito ay para mapanatili ang seguridad ng mga titulo (Spouses Zaragoza vs. CA, G.R. No. 106401 September 29, 2000).