Kumikilos naman ang mga espiya ko para alamin kung saan-saan ang mga pa-bookies ni Dula Torre sa Sampaloc. At hindi lang pala sa karera ang ilegal ni Dula Torre, anang mga pulis na nakausap ko. Mayroon din pala siyang mga makina ng video karera sa Sampaloc. Pero para nga maitago ang ebidensiya, hinakot na niya noong nakaraang Lunes ang kanyang mga makina at iginarahe muna. Kulay maroon na FX ang ginamit niya. He-he-he!
Aabangan natin mga suki kung kelan niya ilalatag na uli ang kayang mga makina. Kung sabagay hindi siya magiging anak ni Director Edgar Dula Torre ng National Police Commission (Napolcom) kung mahina ang kanyang utak, di ba mga suki? At kung ibinulgar ko ang mga pulis na may pa-bookies sa Maynila, dapat din sigurong ang mga may makina ng video karera ay sagasaan din natin. Maliban kay Dula Torre, ang nasa likod ng malawakang video karera operations sa tabakuhan ni Chief Supt. Pedro Bulaong, ang hepe ng Manila police, ay ang magkapatid na Benny at Buboy Go na sa buong Maynila ang operasyon; Anthony Sy sa Tondo at Sta. Cruz; Buboy Arcilla sa Binondo; Bay Rosero sa Sampaloc; Roger Esteban sa buong Maynila rin; Bobby Soriano sa Kahilum 1 & 2 at Pandacan, at Bayani Neri sa buong Tondo naman.
Matapos maitapon sa Mindanao dahil sa pagiging kolektor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Maynila at sa National Capital Region, biglang sumulpot na naman itong si Neri sa kanyang dating puwesto. Balik sa dating gawi, ika nga. Naayos na kaya niya ang pagpatay niya sa kanyang kababata sa Tondo nitong nakaraang mga buwan? Ang ginigisa sa ngayon ni Neri ay ang pangalan ni Senior Supt. Don Montenegro ang hepe ng NCR-CIDG sa Camp Crame. He-he-he!
Maligaya na naman si Neri at sigurado akong ang palaging nakasimangot sa ngayon ay yaong may mga puwesto sa buong Kamaynilaan, di ba mga suki? Bakit kaya palaging inirereklamo itong mga kolektor ng CIDG? Pakisagot mo nga ito Sen. Supt. Montenegro Sir. Kasi nga kung dumako ka sa Southern Metro Manila, nakasimangot din ang mga ilegalista at mga establishment owners kapag binanggit mo ang pangalang SPO4 Art Cabatic.
Abot-langit din umano kung makahingi ng lingguhang intelihensiya si Cabatic, anang mga nagrereklamo. Sa pagkaalam ko naman, ipinaimbestigahan na ni Chief Supt. Eduardo Matillano, hepe ng CIDG, ang mga reklamo laban kay Cabatic. Maraming ebidensiya ang makakalap ni Matillano dahil garapalan kung makipag-usap itong si Cabatic, anang mga reklamo na nakarating sa akin. At ang masama nito baka madawit pa ang hepe ni Cabatic na si Maj. Ronald Olay. May bayag kaya si Matillano na sibakin at ipatapon sa malayong assignments itong sina Neri at Cabatic? Abangan.