Patuloy ang pagtaas ng mga bilihin at ang mga mahihirap ang labis na apektado. Pati ang pandesal na pagkain ng mga karaniwang Pilipino ay tataas na rin, ayon kay Trade Sec. Mar Roxas II. Sinabi ni Roxas na pati ang cup noodles ay maaari na ring magtaas. Ang pandaigdig na supply ng wheat ay apektado umano dahil sa nangyayaring dock strike sa United States.
Ang gasolina ay walang tigil sa pagtaas. Ngayong taong ito, bugbog sarado ang mga Pinoy sa sunud-sunod na pagtaas ng gasolina. Pinalubha ito ng iringan ng US at Iraq. Habang gumigiri ang US sa Iraq patuloy na humirit pataas ang presyo ng krudo. At patuloy din sa pagsisid ang peso. Ang mahihirap ang kawawa sa puntong ito. Nasa kumunoy na ng kahirapan na habang gumagalaw ay lalo pang lumulubog.
Nakaamba ang pagtaas ng P1 pamasahe. Ang mga pangunahing bilihin na tulad ng bigas, isdang galunggong ay tumataas din sa kabila ng mga sinabi ni President Gloria Macapagal-Arroyo na makabibili ang masa ng murang bilihin. Ano pa ang susunod na tataas?
Habang marami ang naghihikahos, patuloy naman ang mga pulitiko sa paghahanda ng kanilang sarili sa 2004 elections. Inihahanda na ang kanilang makinarya para sa kanilang katunggali. Nagbabatuhan na ng putik. Maski sa Kongreso ay ang pagprotekta sa kanilang kasamahang may kaso ang binibigyang prayoridad. Sa Senado ay nagkakampu-kampo at walang maibigay na mabuti sa sambayanang nagluklok sa kanila sa puwesto.
Ang palatandaan nang paghihirap ay nakikita na. Subalit hindi ito nakikita ng mga namumuno sapagkat ang sariling interes ang nakikita. Nakikita ang kahaharapin pang paghihikahos sa naglipanang mga halang ang kaluluwang naghahanap ng madadagit sa kanilang kapwa.