May nagbulong sa mga kuwago ng ORA MISMO na pinagbigyan lamang umano ng mga kamoteng kapulisan sa Lucena City si Region 4 Director Chief Supt. Ike Galang para patigilin ang nasabing dayaan-bolahan ng halos dalawang linggo. DILG Secretary Joey Lina, your Honor.
Busy kasi ang kapulisan ng Region 4 sa pagsuyod sa mga NPAs porke natumba kasi ang dalawang pulis sa Lopez, Quezon na hindi man lamang binigyan ng magandang laban. Ika nga pa-traidor nang itumba ito?
Nakikiramay ang mga kuwago ng ORA MISMO sa mga pamilya ng dalawang pulis na napatay.
Naka-focus ang ilang matitinong pulis sa kanilang mga kalaban samantala ang ilang kurap ay naka-focus naman sa jueteng operations? Ika nga nagbibilang ng kikitain sa kanilang intelihensyang makukuha.
Kambyo isyu, inginuso naman sa mga kuwago ng ORA MISMO sina Danny Itlog, ang namamayagpag sa Cavite City at Imus porke ito ngayon ang bida pagdating sa usapang juetengan, si Ebeng ng Carmona, kapitan pa ng Dasmariñas at isang Joe Combat. Sila raw ang mga guerilla ngayon sa Cavite.
Napatigil daw ni Ike si supsupin este mali si Cupcupin sa operasyon nito sa jueteng pero babalik daw ito sa kanyang secret operation kapag nagbigay ng basbas ang amo nitong asawa ng isang senador? Ike, lagot ka!
"Ang tindi pala sa Lucena City, hindi ba alam ni Mayor Talaga ang mga nangyayari diyan lalot pagdating sa illegal gambling game?" tanong ng kuwagong manghuhuthot.
"Talaga bang walang alam si Mayor Talaga sa operasyong ito?" pailing na tanong ng kuwagong maninipsip ng tahong.
"Busy kasi si Mayor Talaga sa pag-atupag sa kaso niya sa Sandiganbayan."
"Paano iyan?"
"Iyan ang hindi ko alam talaga," sagot ng kuwagong SPO-10 sa Crame.
"Eh, si Mayor Ayong Maliksi ano kaya ang masasabi?"
"Iyan ang itanong natin sa kanya, kamote."