Maging ang US ambassador ay nagpahayag ng grabeng katiwaliang nangyayari sa bansa. Hindi lamang sa mga ahensiya ng gobyerno ang tinukoy ng ambassador kundi pati ang mga miyembro ng judiciary ay talamak din ang nangyayaring katiwalian. Ang katiwalian ay iniaangal ng mga dayuhang investor at dahilan para mag-urung-sulong sila sa paglalagay ng negosyo rito.
Ngayoy patuloy pa ang pagyabong ng katiwalian at tila ang banta ng kasalukuyang administrasyon sa mga corrupt ay mananatili na lamang banta. Hindi maigagawad ang talas ng ngipin para pagbayarin ang mga nagsasamantala sa bansa. Lalo pa ngat ngayoy nagiging abala na sa pagsalag ng mga akusasyon sa mga kalaban sa pulitika. Sinasangga na ang ibinabatong putik. Isang palatandaan na nagsisimula na ang labanan sa pulitika para sa 2004.
Isa sa mga katiwaliang lumulutang sa kasalukuyan ay ang scandal sa Public Estates Authority (PEA) kaugnay nang magarbong kalsada na ipinangalan sa ama ni Mrs. Arroyo. Umaalingasaw ang umanoy overpriced na Pres. Diosdado Macapagal Blvd. (PDMB) na nagkakahalaga ng P600 milyon. Maraming nakakaladkad ng pangalan at ipinag-utos na ni Mrs. Arroyo ang pag-iimbestiga sa nasabing scam. Ang Presidential Anti-Graft Commission ang mag-iimbestiga rito. Naglutangan ang samut saring akusasyon sa mga opisyal ng PEA. Talamak ang katiwalian sa PEA na sa kabila ng pagbabanta ng Presidente ay hindi naman pala natitinag.
Ang katiwalian sa bansang ito ang isa sa mga dahilan ng mabagal na pag-unlad. Hindi na balita ang corruption sa BIR, Customs, DPWH at maraming iba pa. Maraming pera ang napupunta sa bulsa ng mga corrupt na opisyal at ang apektado ay ang mahihirap. Hindi makaahon sa kumunoy ng kahirapan dahil sa pagsasamantala ng mga "buwaya sa katihan".
Ang pagdurog sa mga tiwali ang inaabangan ng taumbayan. Inaasahan na sila na ang isusunod na ipaparada ni Mrs. Arroyo sa Malacañang. Sana nga ay mangyari iyan sa hinaharap.