Para sa kaalaman ni Sir Ebdane, dito lang sa balwarte ni Senior Supt. Pedro Bulaong, hepe ng Western Police District (WPD) eh maraming namumugad na mga pulis na nagpapatakbo ng racehorse bookies. At siyempre pa, hindi sila natitinag ng kanilang kapwa mga pulis. He-he-he! May pinagsamahan kasi.
Hindi na ako magpatumpik-tumpik pa. Isa sa mga pulis na may pa-bookies ay si Melvin Dula Torre at namumugad sa Sampaloc area, anang mga kapwa pulis niya na nakausap ko. At nagyayabang itong si Dula Torre na anak siya ni Director Edgar Dula Torre, ng National Police Commission (Napolcom) na pinamumunuan din ni Interior Secretary Joey Lina. O hayan Sec. Lina Sir, paano magiging matagumpay ang hangarin mong mapasara ang pasugalan sa bansa kung ang mga nasa paligid mo mismo ay nadudungisan din?
Idadagdag ko ang kaso ni Dula Torre kina SPO1 Bong Sioson at PO2 Ferdinand Sulpico, na nagpakilalang mga kolektor ni Supt. Noel Estanislao, ng Task Force Jericho. Si Sioson ay may pa-bookies sa buong Tondo samantalang si Sulpico naman ay namamayagpag sa Paco, San Andres at Sta. Ana.
Kapag itong si Dula Torre, Sioson at Sulpico ay nasampol na ni Lina sigurado akong maniniwala na ang sambayanan na seryoso siya sa kampanya niya laban sa illegal gambling. Di ba mga suki?
Idagdag ko na rin itong sina Mel Pedrosa at Larry Javier ng CIDG Field Office Manila, ayon sa mga pulis na nakausap ko. Si Pedrosa ay may puwesto sa San Andres at Sta. Ana at si Javier naman ay sa Tondo at sa Sta. Cruz. Si Boni Abad naman ng CIDG, Camp Crame ay may puwesto sa Sta. Mesa. Si Romy Saavedra ng Regional Intelligence and Special Operations Office (RISOO) ay may pa-bookies sa Sta. Cruz at sa Blumentritt.
Sa hanay naman ng pulis-Maynila ang may mga pa-bookies ay sina Weng Alcantara at Boy Anoya sa Sampaloc; Boy Collado alyas Boy Tila sa San Andres at Sampaloc; Abe Macalagay sa Paco at Pandacan; Jovie Valencia sa Paco at San Andres; Si Arnold Sandoval sa buong Maynila; Lando Simbulan sa Tondo, Binondo at Sta. Cruz; Erning Castillo sa Tondo; Boyet Madriaga sa Binondo; Rey Perez sa Binondo at Sta. Cruz; Rey Nicolas at Orly Antonio sa Tondo at Emil Cruz sa Singalong at Vito Cruz.
Hayan, General Ebdane, puwede mo nang isama ang mga pangalan ng mga tiwaling pulis sa hanay ng mga sisibakin mo. Kung hindi kaya ng malamyang si Secretary Lina na parusahan sila, sa tingin naman ng mga pulis na nakausap ko, ang tulad mong brusko lang ang kasagutan dito. Kilos na Gen. Ebdane Sir, sa yo ang suporta ko sa adhikain mong linisin ang hanay ng PNP ng mga rogue cops.