Editoryal - Busisiin ang mabahong PEA

MARAMING lumulutang na scandal. Parang mga kabuteng nagsusulputan. Kaliwa’t kanan. Nangangamoy. Isa sa mga nangangamoy ay ang scandal sa Public Estates Authority (PEA) kaugnay ng kontrobersiyang kalsada na ipinangalan kay dating President Diosdado Macapagal, ama ni President Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa gitna nang nararamdamang kahirapan at hindi matapos na paghihikahos ng bansang ito, lumutang ang mabaho at nakasusukang anomalya sa PEA na pinaputok mismo ng isang director nito. Ibinunyag ni Sulficio Tagud Jr. na overprice ang P600-milyon na construction ng Pres. Diosdado Macapagal Blvd. (PDMB). Ang pagbubunyag ni Tagud ang naging dahilan para imbestigahan ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) ang anomalya.

Ang PDMB ay unang tinawag na Central Boulevard. Nakatayo ang kalsada karugtong ng Roxas Blvd. Ito ay aspaltado at halos 80 porsiyento na ang natatapos. Inamin ng mga PEA official na pinaka-expensive na kalsada sa buong bansa ang PDMB subalit itinanggi nilang ito ay overprice. Sinabi nila na ang akusasyon ay nag-ugat dahil sa nabigong extort na nagkakahalaga ng P14 milyon sa contractor ng PDMB.

Ayon sa report, nag-overpriced ang PDMB dahil bawat PEA Directors ay may car loan na nagkakahalaga ng P1 milyon. Bukod sa milyong car loan, itinaas din ng PEA officials ang kanilang per diem na nagkakahalaga ng P10,000 bawat meeting. Nagkakaroon ng meeting apat na beses sa isang buwan.

Nang pumutok ang PEA scandal ay nakaladkad ang pangalan ni First Gentleman Mike Arroyo. Nilinis naman kaagad ang kanyang pangalan. Kasunod ay naglutangan na ang iba pang kasangkot na PEA officials. Ang nagpaputok ng anomalya ay kasalukuyang naka-leave. Hinirang naman ni Mrs. Arroyo si Public Works Sec. Simeon Datumanong para maging officer-in-charge ng PEA.

Ano pa ang susunod na lulutang na scandal? Ano pang mababahong anomalya ang aalingasaw? Ang ganitong nangyayari sa bansa ay nakasasama sa paningin ng mga dayuhang investors. Kapag patuloy ang scandal, sino pa ang maniniwala sa bansang ito. Patuloy ang katiwalian sa maraming ahensiya at wala namang magawang solusyon ang pamahalaan para mapigilan ito. Dapat madaliin ng PAGC ang imbestigasyon sa mabahong PEA upang magkaroon ng tiwala ang mga dayuhan at ganoon din ang taumbayan.

Show comments