Hindi ito ang una na ang gobyerno ay humihikayat sa mga motorista at sa taumbayan na magtipid. Nangyari na rin ito sa gobyerno ni President Cory Aquino na labis na sinagasaan ng krisis sa enerhiya. Nanghikayat din ang gobyerno ni Pres. Fidel Ramos na magtipid at ganoon din naman ang bumagsak ng gobyerno ni Pres. Joseph Estrada. Pero ang resulta: Wa epek na pagtitipid. Hanggang sa papel lamang ang sinabing pagtitipid. Hindi naipatupad at patuloy sa pag-a-Asyong Aksaya ang mamamayan. Naging bulagsak. Paanoy ang mismong gobyerno ay hindi naman nagtitipid kundi naging waldas.
Ngayon nga ang panibagong pagtitipid sa gasolina ang isinusulong ng gobyerno sa taumbayan. Makabubuti umano sa lahat kung makapagtitipid. Lahat ay makikinabang. Magandang praktis na hindi lamang kung may krisis gagawin.
Maganda nga ang planong ito. Pero mas makabubuti kung ang mga taong gobyerno ang magpapakita ng halimbawa. Sa bawat departamento ng pamahalaan ay bakit hindi magkaroon ng inspeksiyon at bawasan ang mga sasakyang lumalaklak ng gasolina. Unahin ang DPWH na maraming nagaganap na corruption hinggil sa sasakyan. Isunod ang Customs, BIR, PNP at iba pang ahensiya na nababalot ng katiwalian.
Napakadaling magbigay ng payo na kailangang magtipid sa gasolina subalit ang ipatupad ito ay sadyang napakahirap. Maaari namang sumunod ang taumbayan, maaari silang magpatay ng ilaw kung breaktime at ang mga hindi ginagamit na aircon ay i-off. Kailangan lamang ay magpakita ng halimbawa ang mga namumuno. Ipakitang seryoso sa pagtitipid ng gasolina at tiyak na susunod ang masa. Ito ang magandang habit, gaya ng sinabi ni Secretary Bunye. Simulan nyo na.