Biktima rin ng illegal recruiters ang ilang kababaihan na ang ilan ay menor-de-edad pa. Dinaya ang kanilang edad para makapasok sa Malaysia. Pinangakuan din ng trabaho at malaking suweldo. Pagdating sa Malaysia ay kalbaryo pala ang babagsakan sapagkat nasadlak sa mga bahay-aliwan. Ayon sa report, karamihan sa mga kababaihan ay nabiktima ng mga illegal recruiter at umaming matagal silang tago nang tago sa Sabah at iba pang lugar sa Malaysia. May 400,000 ilegal Pinoy umano sa Malaysia. Marami na ang sapilitang pinatapon sa Pilipinas mula pa noong Pebrero ng kasalukuyang taon.
Ang mga illegal recruiter ang dapat isunod na durugin ng gobyerno ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Kung nagawa ni Mrs. Arroyo na magparada ng kidnaper, holdaper at iba pang mga halang ang kaluluwa, bakit hindi ang isunod niya ay mga illegal recruiter. Marami na silang nalinlang at kung hindi magkakaroon ng puspusang pagputol sa kanilang mga sungay, madadagdagan pa ang kanilang mabibiktima. Marami pa silang mahuhuthutan ng pera.
Kamakalaway nagbanta ang Israel at Italy na ipade-deport din nila ang mga ilegal Pinoy sa kanilang bansa. Marami ring naging biktima ng illegal recruiter doon at nagtatago sa mga awtoridad. Hindi kaya ang nangyari sa Malaysia ay maging katulad din sa mga nabanggit na bansa? Hindi na dapat maulit ang nangyari sa Malaysia na nawalan ng dangal ang mga Pinoy.
Pagbayarin ang mga illegal recruiter. Patawan ng mabigat na parusa. Walang ipinagkaiba ang mga illegal recruiter sa mga kidnaper, holdaper, at drug trafficker. Ang mga illegal recruiter ay matakaw at walang kabusugan sa pagsipsip ng dugo ng kababayan. Hindi sila nararapat sa lipunang ito.