Traffic signal controllers na nagkakahalaga ng P1.8-M, ninanakaw

ALAM n’yo bang ninakaw ang limang traffic signal controllers na nagkakahalaga ng mahigit P1.8 million?

Ayon sa aking bubuwit, happy birthday muna kay Ms. Sly Laurete ng PhilHealth; Leovihilda Madronio, Dan Tardecilla, Ethel Rambaud at Bro. Mike Cruz.
* * *
Alam n’yo bang nawawala ngayon sa mga pangunahing lansangan ang mga traffic signal controllers na nagkakahalaga ng mahigit P1.8 million?

Ayon sa aking bubuwit, ang mga ito ay pag-aari ng Traffic Engineering Center (TEC) sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Paging DPWH Sec. Simeon Datumanong. Madadagdagan na naman ang problema mo.

Kaya pala nagkaka-hetot-hetot ang mga traffic lights natin dahil ninanakaw pala ang mga controllers. May problema na nga tayo sa mga binibiling made in China na traffic lights eh ninanakaw pa ngayon ang mga signal controller nito.

Tinatawagan ko si Director Ernesto Camarillo, pakipalitan naman Sir yung mga pundidong ilaw sa tunnel sa EDSA-Ayala Ave., Makati City. Ang dilim at meron nang mga naaksidente roon.
* * *
Ayon sa aking bubuwit, ang mga ninakaw na Delta 5 Traffic Signal Controller ay nagkakahalaga ng $7,161 bawat isa. Katumbas ito ng halagang P364,000 at kung i-multiply mo ito Sec. Datumanong sa lima ay aabot sa mahigit P1.8 million.

Ang mga traffic controllers na ninakaw ay ang mga inilagay ng TEC sa kanto ng Andalucia at Dapitan; kanto ng Andalucia at Lacson Sts., kanto ng Piy Margall at Lacson Sts., kanto ng Dapitan at Lacson Sts. At ang nasa kanto ng Recto-Benavidez Sts. na pawang nasa Manila.

Ayon sa aking bubuwit, ang ganitong nakawan ay hinihinalang inside job sapagkat ang mga nakakaalam lamang na mamahalin ang mga traffic controllers ay ang mga taga-TEC at DPWH.
* * *
Ayon pa sa aking bubuwit, ang nasabing nakawan ay inireklamo na kina TEC Director Godofredo Galano, Engr. Dante Inciong at Engr. Rolando Soliman pero wala pa ring nangyari.

Mukhang laganap yata ang nakawan at mga anomalya sa DPWH ngayon. O baka naman ngayon lang nabubulgar?

Di ba yung tatlong malalaking generators ay iniuwi naman ng isang Executive Director. Dinala yata ito sa kanyang resort sa Lipa City.

DPWH Sec. Datumanong, mag-imbestiga ka at mukhang pinapaikutan ka ng mga ilang bata mo.

Show comments