Hindi pa tapos ang pagsasabog ng lagim ng mga bandido. Ang pagkakapatay kay Sabaya ay hindi hadlang para ipagpatuloy ang pangingidnap, pagpatay at panggagahasa. Marami nang pininsala ang mga bandido at kumita na nang limpak na dollar mula pa nang dukutin ang 21 dayuhan sa Sipadan Malaysia noong April 2000. Sunud-sunod ang ginawang pangingidnap at ang pinaka-kontrobersiyal ay nang dukutin ang mga Pinoy at tatlong Amerikano sa Puerto Princesa, Palawan noong nakaraang taon. Ang dinukot ay ang mag-asawang Martin at Gracia Burnhams at si Guillermo Sobero. Si Sobero ay pinugutan ng ulo noong June 12 ng nakaraang taon. Napatay naman si Martin nang tangkaing iligtas ng military noong nakaraang May. Nailigtas naman si Gracia.
Bago ang pangingidnap at pagpatay, marami nang pinugutang kapwa Pinoy ang mga bandido. Pati mga babae ay hindi pinatatawad at tinatapyasan muna ng suso bago patayin. Pati Katolikong pari ay hindi kinaawaan at binunutan muna ng mga kuko bago pinatay. Ang Abu Sayyaf ay nakakukuha ng suporta at pera sa Al-Qaeda movement ni Osama bin Laden.
Nagsasabog na naman ng lagim ang mga bandido at marami na naman ang natatakot. Maski ang mga dayuhan ay hindi na nagnanais magpunta rito sa takot na makidnap.
Kung nagawa ng military na napatay si Sabaya, bakit hindi ito magawa sa mga lider na si Ghalib Andang alias Commander Robot, Radulan Sahiron at Khadaffy Janjalani. Kapag nawala na ang mga lider na ito, tiyak na hihina na ang mga bandido. Ang ugat ay dapat bunutin para hindi na tumalbos at magsanga pa. Hindi na dapat magtagal pa ang mga masasamang ugat na sagabal kay President Gloria Macapagal-Arroyo sa pagtatayo ng matatag na republika. Tapusin na ang Abu Sayyaf!