Sinita nila sa daan ang mga biktima nila. Kunwari ay checkpoint o kaya may report na nakaw ang kotseng sinasakyan. Pinababa ang mga biktima para ma-inspect kuno ang kotse. Tapos, nag-plant ng shabu. Dinala ang mga biktima sa safehouses. Saka tinawagan ang mga kamag-anak na magdala ng pera, kung hindi ay ihahabla sila ng drug pushing.
Marami pang ibang insidente, pero hindi nahuli ang salaring pulis. Sa isang highway sa Metro Manila, na-checkpoint ang isang doktor. Pinababa sa kotse at kinapkapan. "Nadiskubre" ng pulis ang tinatagong shabu sa glove compartment. Dinala ang doktor sa safehouse at binugbog magdamag para umamin kung anu-ano ang ari-arian ng pamilya. Tapos, tinawagan sila para humingi ng P2.5 milyong ransom. Tinawaran ang pamilya nang P800,000, kaliwaan. Sa loob ng military camp nakipagkita ang mga pulis. Binilang ang pera, saka initsa mula sa kotse ang biktima.
Halos ganoon din ang nangyari sa isang batang architect. Pinababa rin sa kotse dahil carnapped daw. Siningitan din ng shabu. Hindi nag-ransom ang pamilya; ayaw ng arkitekto. Dalawang buwan muna siya nakakulong bago pawalang-sala ng huwes.
Ayon sa DILG at PNP, hindi kailangang bumaba sa kotse kapag hinarang sa checkpoint-maliban lang kung in-order ng pulis. Kung walang order, sa kotse lang. Kung pinababa, kunin ang pangalan at ranggo ng pulis, at numero ng patrol car at checkpoint.
O, heto pa ang pahabol, kumakalat sa text: Mag-ingat daw sa drive thru sa MacDonalds. Siguraduhin daw naka-lock lahat ng pinto. Kasi, baka raw biglang sumakay si Sharon. Joke only, Senator Kiko.