Matigas lang ang ulo ng ilan sa atin. Pati yung mga nakasakay sa jeepney, tricycle o bus, pinapahamak ang buhay ng kapwa-pasahero. Bawal na ngang magsindi any time sa loob ng public vehicle, ginagawa pa rin.
Binabawal na rin ng maraming siyudad at probinsiya ang pag-cellphone sa gas station. May electrical impulses kasi mula sa 0.6-watt battery ng cellphone. Kapag may tinatawagan o sumasagot ng call, nag-iitsa ng kuryente ang gadget. Maaring magliyab ang gasoline fumes.
Pakatandaan sana ito, di lang ng driver kundi pasahero rin ng kotse, jeepney, tricycle o bus. Kapag kumiriring ang cellphone, huwag sagutin; tawagan na lang ang missed caller pag-alis sa gas station.
Sa drivers naman, ipatay ang makina habang naggagasolina. Sa ganong paraan, lahat ng electrical at electronic gadgets sa sasakyan na maaring pagmulan ng spark-radyo, CD o VCD, aircon o air purifier-ay nakapatay din. Iwas-sunog.
Meron pang isang bagong pinag-aaralan ang Petroleum Equipment Institute sa US. Marami nang insidente ng biglang pagliyab ng gas tank o nozzle sa pagbalik ng tao sa kotse habang naggagasolina. Static electricity daw sa katawan ng tao ang malamang na pinagmumulan ng spark.
Hindi pa conclusive ang findings ng PEI. Pero napansin sa 150 insidente na iba-ibang modelo at uri ng kotse ang nasunog. Sa halos lahat, babae ang nagmamaneho. Sa US kasi, kadalasan ay self-service ang gas station. Madalas ang babae habang nagkakarga, bumabalik sa loob ng kotse miski nakasuksok pa ang nozzle sa tangke. Ang mga lalaki, tinatapos muna ang filling bago sumakay uli. Dapat, ayon sa PEI, humawak sa bakal na door handle bago sumakay uli. Para maobligang gawin ito, isara ang pinto habang nagkakarga.