Marami nang OFWs ang dumanas ng masasakit na karanasan sa pinagtatrabahuhang bansa. Mayroong minaltrato ng amo, ginahasa, hindi pinasusuweldo at ang iba ay sinamang palad na mamatay o pinapatay.
Kung anu-ano ang mga problemang sinasagupa ng mga OFW at tila hindi naman lubos na nagagampanan ng OWWA ang kanilang tungkulin sa mga "bagong bayani". Marami sa mga OFW ang hindi naaanggihan ng tulong mula sa OWWA o kung matulungan man, inaabot ito nang matagal na panahon. Hindi kaagad naaaksiyunan ang anumang hinihinging tulong ng OFWs na isa sa kanyang karapatan. Maraming OFW ang napapanis sa kahihintay sa darating na tulong mula sa OWWA subalit mailap ang pagkakataon.
Ang trahedya ay bigla-bigla kung dumating sa mga OFW. Sa isang iglap ay dumarating ang kamatayan na walang pasabi. Katulad nang nangyari sa dalawang OFW na namatay sa Israel bunga ng pambobomba. Namatay sina Rebecca Ruga, 39, at Adelina Cunanan, 43, mga caregivers nang isang suicide bomber ang umakyat sa bus at sumabog iyon. Maraming iba pa ang namatay sa pambobomba. Si Ruga ay taga-Bansud, Oriental Mindoro samantalang si Cunanan ay taga-Minalin, Pampanga.
Personal na dumalaw si President Gloria Macapagal-Arroyo sa mga naulila ni Cunanan at nagbigay ng P50,000 at sinabing bibigyan din sila ng OWWA ng P200,000. Sinabi naman ng DOLE na bukod sa P200,000, na ibibigay ng OWWA, bibigyan din ang mga naulila ng P7,500 na tulong pinansiyal at P10,000 para sa pagpapalibing. Bukod pa sa bibigyan ng scholarship ang anak ng biktima.
Madali ang magsabi at mangako pero sanay maging mabilis ang OWWA sa pagkakaloob ng mga nabanggit na benepisyo. Huwag nang patagalin pa at pahirapan ang mga kukuha sa benepisyo na katulad sa mga reklamo ng OFWs na pinababalik-balik umano sila at kung anu-anong mga dokumento ang hinihingi. Matagal nang namatay ang biktima ay hindi pa natitikman ng mga naulila ang benepisyo.