Sa isinagawang poll survey ng Ibon, tinanong nila ang 1,014 na tao sa buong bansa kung sino ang pipiliin nilang presidente kung gaganapin ngayon ang election? Ang nanguna at may pinakamalaking kalamangan ay si Education Sec. Raul Roco na may 19.96 percent. Sumunod si Joseph Estrada na may 14.08 percent at ikatlo si Gloria Macapagal-Arroyo na may 11.13 percent. Sinundan naman ito nina Panfilo Lacson 9.66 percent; Loren Legarda 7.56 percent, Fernando Poe Jr. 5.25 percent at Teofisto Guingona, 5.25 percent.
Sa lumabas na resulta, malayo ang agwat ni Roco kay GMA. May nagbalita sa akin na galing sa Malacañang na hindi raw natitigatig si GMA at ang kanyang kampo sa kinalabasan ng nasabing census sapagkat hindi naman ito talagang malawakan dahil sa 47 percent lamang ang sumagot sa survey.
Marami ang nangangamba na ito na marahil ang tunay na simula ng malawakang pamumulitika ng ibat ibang panig sa ating bansa. Sinasabi nila na sa halip na kinakailangan ngayong serbisyong publiko, ang lalong pag-iigihan ni GMA at ng kanyang kampo ay ang pamumulitika at paglulunsad sa totohanang pagkakandidatura upang makalamang sa mga tatakbo sa pagka-presidente sa 2004.
Sa kabilang dako naman, ngayon pa ba titigil pumorma ang oposisyon lalo nat sa tingin nila ay bumabandera pa rin si Erap, Sen. Ping Lacson at ang kaalyado nilang si Fernando Poe Jr. Hindi rin nahuhuli sina Senators Ed Angara at Nene Pimentel. Inaakala marahil nila na kaya nilang pataubin si GMA. Sa palagay ba ninyo ay magiging dedma na lamang itong si Roco upang magbakasakaling muli sa 2004 ngayong nagiging numero uno na siya sa survey? Paano kung maglakas-loob din si Loren Legarda sa pagka-presidente sa susunod na election? Hindi na malayo ang labu-labo sa pulitika sa ating bansa.