Inihayag ni Ocampo na marami pang mga sundalong Amerikano na kabilang sa US special operation forces ang mananatili pa sa Basilan at Sulu na kung saan nagaganap ang bombahan at malawakang operasyong military na nagpapahirap sa buhay ng mga mamamayan sa mga nasabing lugar. Idinagdag pa ni Ocampo na kumalat na ang pagtatalaga ng mga Kano sa Central Luzon lalo na sa kapaligiran ng Clark at Subic.
Sa kabilang dako naman, malungkot at para bagang nagluluksa ang mga residente ng mga lugar kung saan lumagi ang mga Amerikanong sundalo simula pa ng mabalitaan nilang aalis na ang mga ito. Sa Basilan, malungkot na inihayag ng mga mamamayan at mga pinuno ng pamahalaan na malaking kawalan ang paglisan ng mga Kano. Sinabi nilang maliban sa bumuti ang pamumuhay nila, naging mapayapa ang kanilang kalooban nang dumating ang mga kano.
Kung ilalagay natin ang ating sarili sa gitna ng dalawang panig, ang kumakatawan sa mga grupo nina Ocampo at sa kabila naman ay ang mga residente at mga opisyal ng pamahalaan sa mga lugar ng kaguluhan sa Mindano, maliwanag na mas higit na malakas ang sigaw ng mga residente na lumagi ang mga Kano sa kani-kanilang lugar.
Oo nga na may punto rin ang mga militanteng grupo na laban sa ginagawang pagtulong ng mga Kano sa ating mga sundalo, subalit makatutulong nga kaya ang pagiging nasyonalismo natin sa pakikipaglaban sa kahayupan at kawalanghiyaan ng mga Abu Sayyaf, mga terorista at iba pang mga salot ng ating bansa? Makatutulong ba ang mga militanteng grupo upang mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao? Kung maganda ang kasagutan sa mga ito, dadami ang mga magiging comrades ni Ka Satur.