Parang baligtad na ang mundo. Iniisyuhan ng badge ang isang agent para tuparin ang misyon, saka siya binabayaran. Binibigyan ng press card ang reporter para makilalang taga-kuha ng balita, saka rin sinusuwelduhan. Ang nagbabayad para magka-badge at press card, siguradong may masamang balak. Matagal nang raket yan ng mga Pinoy. Pero ngayon lang nakabisto ng Hapon na gaya-gaya.
Mahal talaga ang bentahan ng NBI o PNP badge at ID card. Pansindak kasi. Ginagamit ng mga negosyante para makalusot sa traffic violation. Proteksiyon din laban sa mangingikil na pulis.
Pero ginagamit din sa krimen. Ilang kidnapper at drug lord na ang nahuling may law enforcement paraphernalia. Yung small-time crooks, pangkikil lang. Kaya may biro sa PNP: May tsapa ka na nga, naghahanap ka pa ng suweldo.
Ganun din sa press card at sticker. Binibili ng mga taga-Chinatown para pambugaw ng mga pulis na parang pulutong ng langaw kung dumapo at manghingi. O kaya pangsampal sa traffic aide.
Pinangko-cover din ang press card sa krimen. Ilang human smugglers ang nahuli kailan lang sa airport na may press ID para makalusot sa security. May nahuli ring illegal recruiter na kunwariy newsman para makalusot sa kaso. May biro rin tuloy sa diyaryo: Mainam na pang-Christmas carolling ang press card.
Ang tunay na law enforcer o newsman, bihira lang kung bumunot ng badge o card. At mapagkumbaba pa kung nagkataon.