Karaniwan na sa paligid ang mga taong tila nakikipaghuntahan sa sarili, o halos tumaob sa galak kahit wala namang kausap. Bunga ito ng mga hands-free devices na kinakabit sa mga cellphone. Kung ang tagpong ito ay natunghayan noong panahon na hindi pa uso ang mga cellphones, marami ang magigitla.
Maituturing pang pormal ang pakikipag-usap sa sariling anino. Sa katunayan, nakasanayan na ng karamihan. Mas mainam pa ngang kausapin ang hangin kaysa makipagtalastasan ng sabay-sabay sa mga Kapampangan, Cebuano, Ilocano, Intsik at iba pang lahi. Sumasagi sa isipan ang kuwento ng Tore ng Babel.
Sa halip na karaniwang tinig, sari-saring himig ang maririnig sa mga cellphone ngayon. Abot ang aliw at tuwa ng mga may-ari. Ngunit kung sabay-sabay na tumugtog ang mga cellphone, nagiging masakit sa tainga at parang walang harmonyang orkestra.
Ngayon, nakaimbento ang mga siyentipiko sa Britain ng isang tooth implant na wariy isang mobile phone. Ang naturang tooth phone ay mayroong maliit na vibrator at radio wave receiver at ikinakabit sa ipin. Lumalabas na tila walang gamit ng anumang cellphone ang sinumang mayroon nito.
Hindi kayang tumugtog ng naturang cellphone. Pero kaya nitong mag-vibrate. Kung kayat hindi madaling ipag-walang bahala kahit na himbing ka sa pagtulog.
Pinalalampas ng mga ito ang mga baliw at mga may-ari ng cellphone na may hands-free na aparato sa tuwing sila ay nakikipag-usap sa kawalan. Ang kaibahan lang ng dalawa ay yaong aparatong nakakawing sa tainga ng may cellphone. Ngunit sa pagkaimbento ng tooth phones, mahirap nang makilala ang tunay na baliw.