Pagdating ng mga naaresto sa himpilan ng pulisya, siyempre naglutangan ang mga financiers at nadismaya sila nang harapin sila nina SPO1 Bong Sioson at PO2 Ferdinand Sulpico at hingan ng weekly intelihensiya. He-he-he! Walang pagbabago di ba mga suki?
Nagreklamo ang mga financiers kay SPO1 Arnold Sandoval at tinanong kung bakit sila pinaghuhuli samantalang may lagay naman sila kay Major Gabriel ng Jericho at laking pagkamangha nila dahil iba naman daw itong kina Sioson at Sulpico dahil direkta sila kay Supt. Noel Estanislao. Pero mautak itong sina Sioson at Sulpico. Pinalabas nilang joint operation ang ginawa nilang pagsalakay sa mga pasugalan para hindi naman masaktan ang mga station commanders na kanilang tatamaan. Siguro sa panahon ngayon, si Lina ang pinakamalungkot na miyembro ng Gabinete ni Presidente Arroyo. Kibuin-dili kasi siya ng mga pulis sa ngayon dahil alam nila na hindi parehas ang desisyon niyang tanggalin sa tungkulin itong pitong matataas na opisyal ng PNP.
Napatunayan ito sa turnover ng command ni PNP chief Dep. Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr., noong Huwebes. Maraming beses kasing na-close up si Lina sa telebisyon at nakunan na nakasimangot. Kung tutuusin kasi, si Ebdane ang ama ng kapulisan natin at si Lina ay ang lolo dahil ang DILG din ang namamahala ng PNP, di ba mga suki?
Ang kuntensiyon nga ng mga pulis, hindi marunong magdisiplina si Lina ng mga apo niya dahil dinaan pa niya ito sa media. Sa desisyon ng Napolcom na walang ebidensiya na nagpapatunay na tumanggap ng tong ang pitong pulis, eh bale wala rin yon dahil nasira na nga ang mga pangalan nila.
May balita pa na si Metro Manila police chief Dep. Dir. Gen. Edgar Aglipay ay ire-ratain sa kanyang puwesto dahil may tiwala sa kanyang kakayahan itong si GMA? Maliwanag na nagkamali si Lina kay Aglipay, di ba mga suki? Subalit kahit anong gawin pa ni Aglipay eh naapektuhan na ang pamilya niya? Paano ang integridad at hinaharap niya sa PNP? Ang tanong sa ngayon, kung si Aglipay at mga kasamahan niya ay ini-relieve ni Lina kahit walang ebidensiya, paano na lang itong si Estanislao na kabaligtaran ang ginagawa niya. Hindi ba siya sisipain dahil sa command responsibility?
At bakit hindi man lang matibag-tibag ni Lina ang grupo ng tong collectors na ginagamit ni Estanislao at ng CIDG, dahil ba nakikinabang din siya sa mga ito? Ang dapat gawin ni Lina sa ngayon ay ipaaresto niya sina Sioson, Sulpico at Sandoval. Gisahin para mapatunayan niya na may ginagawang koleksiyon ang mga ito sa mga pasugalan. Huwag na siyang magmaang-maangan dahil gasgas o bilasa na ang pangalan niya sa sambayanan kung jueteng ang pag-uusapan.