Ako po ay 46-anyos, may-asawa at limang anak. Ako po ay empleyado sa isang pribadong kompanya at anim na taon nang miyembro ng Pag-IBIG. Regular po ang aking kontribusyon. Nais ko pong magkabahay at lupa sa pamamagitan ng Pag-IBIG Housing Loan Program.
Gusto ko pong itanong kung may programang pabahay at lupa ang Pag-IBIG dito sa Dagupan City. CARLOS P. DEL PILAR
Kung anim na taon ka nang miyembro ng Pag-IBIG, sapat na ang dami ng iyong buwanang kontribusyon upang makapag-housing loan. Sapagkat 24 na buwanang kontribusyon lamang ang kailangan bago makautang sa Pag-IBIG.
Ang papel ng Pag-IBIG sa programang pabahay at palupa ay sa larangan ng financing. Ang ibig sabihin nito ay nagpapautang ang Pag-IBIG sa mga miyembro nito upang makabili ng lupat bahay o bahay at lupa lamang. Meron ding multi-purpose loan. Ibig sabihin nito, hindi direktang nagpapatayo ng bahay ang Pag-IBIG at hindi rin ito direktang nagde-develop ng mga subdivisions. Ang Pag-IBIG ay tumutulong sa end-user o mga miyembro nito at sa private sector o sa mga developers sa pamamagitan ng developmental loan na ginagamit sa pagpapatayo ng mga subdivisions, condominiums o medium-rise buildings.
Ayon sa Pag-IBIG Dagupan Extension Office, may mga developers na nabigyan ng developmental loans sa Pangasinan ngunit ang mga projects na ito ay matatagpuan sa Urdaneta at Pozorrubio. Maari kang magsadya o makipag-ugnayan sa Pag-IBIG Dagupan Extension Office 2nd Floor, Siapno Bldg., Perez St., cor. Rizal St., Dagupan City (tel. no. (075) 515-3572, upang maantabayanan mo ang mga proyekto diyan sa Dagupan na ipapasok sa developmental loans.