Napalaya ang bansa sa mga Kastila at Hapones subalit ang pinakamatinding kaaway ng mamamayang Pilipino ay ang labis na kahirapan na pinatitindi pa ng karahasan. Nakapagpatalsik na ng diktador ang mga Pilipino sa pamamagitan ng EDSA Uno noong February 1986 subalit nananatili pa ring mahirap ang buhay ng nakararami samantalang marami rin naman ang nagsasamantala at nagpapasasa sa kaban ng bayan.
Nagkaroon ng EDSA Dos at napatalsik pa ang isang Presidente na naakusahan ng pandarambong at kung anu-ano pang katiwalian. Mahigit isang taon na ang nakalilipas mula nang mapatalsik ang ika-13 Presidente, wala pa ring nababago sa buhay. Ang pangakong ginhawa ng humaliling Presidente ay hindi pa nararamdaman.
Marami ang humihiling na palayain sa kahirapan ng buhay. Marami ang naghihikahos dahil sa walang patumanggang pagtaas ng bilihin. Patuloy ang pagtaas ng gasolina, singil sa kuryente, tubig at pagpapatong ng kung anu-anong buwis.
Ang pagdarahop ay pinatitindi lalo ng mga karahasan. Tumataas ang kriminalidad at marami ang natatakot. Patuloy ang pananalasa ng mga kidnaper sa Metro Manila at mga lugar sa Mindanao. Wala namang magawang solusyon ang mga awtoridad kung paano mapoprotektahan ang taumbayan at ang mga banyagang narito sa bansa. Isang halimbaway ang malagim na pagkakapatay kay Martin Burnham at pagkakasugat sa asawa nitong si Gracia ng mga bandidong Abu Sayyaf. Napatay din ang Pilipina nurse na si Deborah Yap. Hindi madakip ang mga bandido at nakapangangambang mangingidnap na naman sila.
Palayain sa kahirapan at karahasan, iyan ang sigaw sa pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan. Sana ay maging ganap ang kalayaan sa dalawang problemang ito ng lipunan.