Editoryal - Ituloy ang pagdurog sa Abu Sayyaf !

MAHIGIT isang taon sa piling ng mga Abu Sayyaf ang mag-asawang Martin at Gracia Burnhams. Dinukot sila noong May 27, 2001 sa Dos Palmas resort sa Puerto Princesa, Palawan. Kahapon nagwakas ang pananatili ng mga Burnhams sa kamay ng mga bandido subalit malagim ang wakas sapagkat napatay si Martin at nasugatan naman si Gracia. Masakit din sapagkat ang Pilipinang hostage na si Deborah Yap ay kasamang napatay.

Nagsagawa ng rescue operations ang Philippine military dakong alas-dos ng hapon sa Siraway, Zamboanga at nagkaroon ng matinding labanan. Umano’y may mga sundalo ring napatay sa labanan. Hindi pa malaman ang bilang ng mga napatay na sundalo. Apat na bandidong Abu Sayyaf ang napatay sa labanan.

Masakit ang wakas, pero tapos na ang problema sa mga bihag. Ngayong wala nang hawak na bihag ang mga bandido, iisa lamang ang dapat gawin ng military, ang durugin na sila upang hindi na maulit ang pangingidnap. Wala nang ipananakot ang mga bandido sa pagkakataong ito at dapat na silang mawala. Habulin na sila kung saan man magpupunta at pagbayarin sa mga nagawang kasalanan.

Nasa bansa ang may isang libong sundalong Kano at nagdaraos ng "Balikatan" exercise. Ang pagpunta nila rito ay pinaniniwalaang may kinalaman sa pag-usbong ng terorismo na dinidilig ng international terrorist na si Osama bin Laden. Pinaniniwalaan na kukuha ng suporta ang mga Abu Sayyaf kay Bin Laden. Sa isang buwan ay nakatakdang umalis ang mga Kano bilang pagtatapos sa exercise. Tutol naman ang mga residente ng Basilan sa pag-alis ng mga Kano na umano’y malaki ang naitutulong sa kanilang katahimikan.

Nakalulungkot namang isipin na hindi rin nagamit ng mga Kano ang kanilang mga sopistikadong armas para mailigtas nang buhay si Martin. Hindi nagawang i-rescue nang mahusay ang mga hostage. Ang bandidong si Abu Sabaya ay hindi madakip-dakip ganoon din ang iba pang matataas na pinuno ng mga bandido. Sa kabila na sinasabing wala pang isang libo ang mga bandido ay nahihirapan ang military na sila ay durugin.

Minsan nang binantaan ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang mga bandido na wala nang tatakbuhan ang mga ito at uulanin sila ng bala. Sana’y magkaroon ng katuparan ang bantang ito ngayon at mauubos na nga ang mga bandido. Hindi na dapat pang itigil ang operasyon. Ubusin ang Abu Sayyaf!

Show comments