Editoryal - Wala nang iba pang masasandigan

SA isang buwan ay nakatakda nang umalis ang mga Amerikanong sundalo na nasa Basilan. Nasa bansa ang may 1,000 Kano at sinasanay ang mga Pilipinong sundalo sa pakikipaglaban sa terorismo partikular sa mga bandidong Abu Sayyaf na konektado sa international terrorist na si Osama bin Laden. Mahigit 400 sundalong Kano ang naka-base sa Basilan na kinabibilangan ng 160 elite Special Forces at may 300 military engineers. Hindi lamang ang pakikipagpukpukan sa mga bandidong Abu Sayyaf ang ginagawa ng mga Kano kundi pinauunlad pa ang nasabing probinsiya.

Ang nakatakdang pag-alis ng mga Kano sa Basilan ay tinututulan ng mga taga-roon. Hindi pa raw dapat umalis ang mga Kano sa kanilang lugar sapagkat protektado sila laban sa mga bandido. Mula nang dumating ang mga Kano roon ay nagkaroon umano sila ng kapanatagan ng kalooban.

Ang pagnanais ng mga taga-Basilan na manatili ang mga Kano at lalo pang nag-alab nang dumalaw si US Defense Secreatry Paul Wolfowitz. Lalong lumakas ang loob at hihilingin umano nila kay President Gloria Macapagal-Arroyo na palawigin pa ang pananatili ng mga Kano sa kanilang lugar.

Nanguna sa pag-apela sa pananatili ng mga Kano ang dating hostage ng mga bandido na si Fr. Cirilo Nacorda. Si Fr. Nacorda ay parish priest ng Lamitan. Sinabi ni Nacorda na mula nang dumating ang mga Kano sa kanilang lugar ay nagkaroon na roon ng katahimikan at kaunlaran.

Hinostage si Nacorda nang lumusob ang mga Abu Sayyaf sa Lamitan. Ibinunyag ni Nacorda na nagkaroon ng sabwatan ang military at ang mga Abu Sayyaf kaya nakatakas sa kabila na may military cordon ang kinubkob na Torres Memorial Hospital. Labimpito ang natangay ng mga bandido samantalang tatlo ang "himalang" nakatakas. Ang pagbubunyag ni Nacorda sa sabwatang military-Abu ay nawalang parang bula.

Ang pagnanais ng mga taga-Basilan na manatili ang mga Kano sa kanilang lugar ay nagpapakita na wala na silang masasandigan sa oras ng panganib. Nagpapakita nang walang kakayahan ng mga awtoridad at ng pamahalaan mismo na mabigyan sila ng proteksiyon. Hindi masisisi ang mga taga-Basilan kung sa puwersang dayuhan umamot ng tulong. Walang kakayahan kasi ang gobyerno na madurog ang mga bandido na hanggang sa kasalukuyan ay hawak pa ang dalawang Amerikanong bihag at ang Pilipinang si Deborah Yap.

Show comments