Noong nakaraang linggo lamang, top story ang pagpatay ng ilang kabataan sa isang kilalang doktor ng St. Lukes Hospital. Sinabi ng mga suspek na mga untouchables daw sila sa Los Baños, Laguna. Napag-alaman na kamag-anak daw ng mga suspek ang isang mayor sa Laguna. Ito ba ang dahilan kung bakit hindi puspusan ang imbestigasyong ginagawa ng Los Baños police? Nagtatanong lang.
Noong isang linggo rin, dumulog sa akin ang kamag-anak ng kambal na babaing ginahasa at pinatay. Nagpunta lamang ang mga biktima sa lalawigan upang dumalo sa isang kasalan.
Nabalita rin ang sindak na inihasik sa Taguig ng isang nagngangalang Rufilo Guab, na di-umanoy bumunot ng baril at ipinutok kung saan-saang direksiyon.
Sa Negros, isang bodega ng bigas ang sinalakay ng ilang katao at ninakaw ang mga laman. Biktima raw ng mapang-aping lipunan ang mga suspek kaya nagnakaw.
Sa patuloy na pananalasa ng krimen na unti-unting lumulumpo sa ating lipunan, marami na ang nagtatanong: Ano na ba ang nangyayari sa ating bansa?