^

PSN Opinyon

Editoryal - Mataas ang tuition, kulang sa dunong

-
TAUN-TAON, maraming eskuwelahan sa buong Pilipinas ang nagtataas ng kanilang tuition fees. At kahit na maraming bumabatikos at nagra-rally sa mga eskuwelahang ito sa ginagawa nilang pagtataas ng tuition hindi rin sila mapigil. At maging ang Department of Education (DepEd) ay walang magawa kung paano mapipigil ang mga schools na basta na lamang magtaas ng kanilang tuition. Basta magustuhan ng mga schools na magtaas ay nakapangyayari at ang kawawa ay ang mga magulang na nakukuba na sa paghanap ng ipangtu-tuition ng kanilang mga anak.

Ang mas nakapangangamba, marami sa mga eskuwelahang madalas magtaas ng tuition ay hindi naman ganap na mahutok ang mga estudyante kung paano mapapayaman ang isipan upang masulit ang ibinabayad ng kanilang mga magulang. Sa madaling salita, walang kakayahan ang mga schools na bigyan ng sapat na kaalaman ang mga estudyante. Isang nakapangingilabot na report kamakailan ang kahinaan ng mga estudyante sa English, Science at Math. Batay sa report maraming nag-graduate sa college ang bopol sa English. Wala umanong kakayahan ang mga college graduate sa asignatura. Kung marunong man, baluktot na English o iyong "carabao English".

Maging sa Science at Math, na nangunguna ang mga estudyanteng Pinoy, ay kakatwang naungusan na ng mga katabing bansa rito sa Asia. Kulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa dalawang subject at kung hindi magkakaroon ng puspusang pagbabago sa sistema ng edukasyon, hindi na maaalis pa sa pagiging kulelat ang mga Pinoy. Mahirap na ngang bansa e salat pa sa kaalaman.

Mataas ang tuition fees at ano naman ang kapalit nito sa mga estudyante? Nararapat lamang na tumbasan ng mga pribado at publikong eskuwelahan ang pagbibigay ng tamang edukasyon sa mga estudyante. May kalidad na edukasyon ang nararapat sa kasalukuyan. Nararapat na suriin ng DepEd ang mga eskuwelahang madalas magtaas ng tuition kung sila ba ay may mataas ding kalidad o wala at ang papasok na pera lamang ang nasa kanilang isipan.

Naniniwala kami na marurunong ang mga Pinoy at ang kailangan lamang ay tamang pagtuturo sa kanila. Kung mahuhusay ang mga magtuturo, tiyak na magiging mahusay ang mga estudyante. Panahon na para magkaroon ng kalidad ang edukasyon at nakasalalay ito sa kamay ng DepEd. Busisiin ang mga schools na walang kalidad pero mataas ang tuition.

BATAY

BUSISIIN

DEPARTMENT OF EDUCATION

ESTUDYANTE

ISANG

KULELAT

NARARAPAT

PINOY

TUITION

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with