Ang pag-akyat sa langit ni Jesus

Ang ebanghelyo para sa kapistahan ng Pag-Akyat sa Langit ni Jesus ay isang salaysay na itinatag ng Simbahan. Mula sa salaysay sa ministri o misyon at gawain, pasyon at pagkabuhay na muli ni Jesus, ibinibigay siya sa atin ni Mateo bilang nagtatatag ng Simbahan. Si Jesus ay babalik sa Ama. Ang kanyang Simbahan ang magpapatuloy ng kanyang misyon. At ang misyong ito ay sa buong mundo.

Sa loob ng dalawang libong taon, tayong mga Pilipino ay nakaririnig na nang mabuting balita ni Jesus. Subalit bilyones pa sa buong Asya ang hindi pa nakaririnig sa mabuting balitang ito. Bilyones sa Tsina, India, Japan, Indonesia, Burma, Laos at Cambodia. Si Jesus, sa Linggong ito ng Pag-akyat sa Langit ay nagsasabi sa atin na dalhin natin ang mabuting balita sa mga bilyones na ito (Mt. 28:16-20).

‘‘Ang labing-isang alagad ay nagpunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Jesus. Nang makita nila si Jesus, siya’y sinamba nila, bagamat may ilang nag-alinlangan. Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, ‘Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa. Kaya, humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo at turuang sumunod sa lahat ng ipinag-uutos ko sa inyo. Tandaan ninyo: Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan.’’


Itala natin na ang otoridad na ibinigay kay Jesus ay walang-hangganan. Lahat ng kapangyarihan, lahat ng bansa, lahat ng ipinag-uutos niya sa kanila, lahat ng mga araw. At sinisiguro ni Jesus sa atin na siya’y palagi nating kasama. Dapat tayong magtiwala habang isinasagawa natin ang ating misyon nang pagpapahayag kay Jesus bilang Tagapagligtas ng buong mundo.

Show comments