Sa tingin ko naman, seryoso si Secretary Lina na supilin nga ang jueteng sa bansa. At diyan ibibigay ko sa kanya ang aking buong suporta. Kung sabagay, ayon sa mga balitang nakarating sa akin, ni katiting na pera o singkong duling ay hindi tumanggap si Lina sa jueteng noong siya ay governador pa ng Laguna. Itanong mo yan sa mga matatanda sa naturang probinsiya at payag silang magpapugot ng ulo para patunayan iyan. Pero tungkol naman sa kanyang kapatid, ayaw magsalita ng mga matatanda. Ano ba yan?
Kaya ayaw maniwala ng taumbayan na sinsero nga si Lina sa kanyang kampanya sa jueteng eh dahil patuloy naman ang mga kalalakihan sa pag-iikot hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa probinsiya para ikolekta ang opisina niya ng jueteng money. Sa Maynila, dalawang lalaki na nagpakilalang sina SPO1 Bong Sioson at PO2 Ferdie Sulpico ay nag-iikot at ginagamit ang Task Force Jericho para sa kanilang illegal na gawain.
Ayon kay Sioson, na dating kolektor ng Manila City Hall detachment, sila na ang bagong inatasan para mangolekta ng intelihensiya sa jueteng at lahat pang illegal sa Maynila. Totoo kaya to? Kaya kung ano man ang patutsada o pampapogi ni Lina ukol sa jueteng issue, nawawalan ng saysay kapag patuloy ang operasyon nitong sina Sioson at Sulpico. Hambalusin mo na sila Secretary Lina!
Sa sitwasyon kasi ngayon, mukhang sobra ang power na ibinigay ni Lina sa Task Force Jericho, kaya ang naturang grupo ang kinakatakutan. At hindi malayo na papayag ang mga gambling lords na lakihan o taasan ang intelihensiya nila sa Task Force Jericho kapalit ng hindi pag-raid nito sa kanilang pasugalan dahil kawawa ang tatamaan na opisyal ng pulisya.
Nagbanta kasi si Lina na tatanggalin niya sa tungkulin ang mga hepe ng presinto, station at distrito kapag nahulihan sila ng jueteng ng Task Force Jericho. Mahigpit naman na binabantayan ng taumbayan itong Task Force Jericho dahil sa kumakalat na balitang tatakbo si Lina bilang vice-president o senador sa darating na 2004 elections. Kapag hindi sila nagsagawa ng kaliwat kanang raid laban sa jueteng, nangangahulugan lamang, anang mga kausap ko, na itong mga patutsada ni Lina laban sa jueteng eh fund raising lang.