Si Dante Ang na personal publicist ni GMA ang nasa likod ng mga propaganda at pagpapaganda ng imahe ng Presidente nang tumakbo ito sa pagka-senador, pagka-Vice President. Siya ang nasa likod na nagpapatakbo ng lahat ng may kinalaman sa komunikasyon ni GMA.
Matagal ko nang kilala si Dante noon pa mang ako ay namumuno ng isang advertising at PR agency. Alam ko ang kapasidad at takbo ng kanyang pag-iisip. Subalit, may mga tao at ilang grupo na taliwas sa mga ideya ni Dante. Naging kontrobersiyal si Dante at lumalabas na nakikialam siya sa mga gawain ng iba katulad ni dating Press Sec. Noel Cabrera at ang pumalit ditong si Presidential Spokesperson Rigoberto Tiglao na nag-leave dahil sa intriga. Noong isang araw, opisyal na na-appoint ni GMA si Dante bilang Presidential Senior Consultant na ang suweldo ay P1 isang taon.
Ano man ang tunay na dahilan sa pag-alis nina Cabrera at Tiglao, sana ay maayos ito ni GMA kung mayroon mang problema sa makinarya ng kanyang komunikasyon sapagkat makaaapekto ito sa kanyang administrasyon. Naniniwala ako sa kakayahan ni Sec. Silvestre Afable, OIC sa Office of the Press Secretary. Maaaring siya ang kailangan upang maging mahusay at epektibo ang nararapat na pagpapahayag at impormasyon para sa ikabubuti ng sambayanan.