Ang pinakamahalagang karapatan

SI Noel at apat pa niyang kasama ay nagtatrabaho sa isang ahensya ng mga dyanitor. Itinalaga sila ng ahensya sa isang kilala at eksklusibong klab bilang tagapaglinis sa nasabing lugar. Pagkaraan ng limang taong pagseserbisyo, hiniling ng klab na palitan sina Noel dahil sa hinalang ang isa o ilan sa kanila’y naglalabas ng mga kasangkapan. Napilitan ang ahensya na palitan sina Noel.

Ngunit dahil wala nang mapaglagyan sa kanila sa ibang kliyente ng ahensya, tinanggal sina Noel sa trabaho nang wala man lang pormal na imbestigasyon.

Kaya nagsampa ng kaso sina Noel sa NLRC dahil sa ilegal na pagtitiwalag. Umabot ng anim na taon ang paglilitis at sila naman ay nanalo. Inatasan ng NLRC na bayaran sila ng kaukulang sahod mula nang sila’y ilegal na pinatalsik sa trabaho. Ngunit sa halip na utusan ang ahensiya na ibalik sila sa puwesto, pinababayaran na lang ng NLRC ang separation pay nila sa halagang isang buwang suweldo sa bawat taon ng pagseserbisyo. Ayon sa NLRC, imposible na raw na maibalik sila sa trabaho dahil anim na taon na ang nakalipas mula nang sila’y tanggalin. Tama ba ang NLRC?

Mali.
Hindi tamang basta ipalagay na lang na imposible na silang maibalik sa trabaho dahil lang anim na taon na ang nakalipas. Lumalabas naman na ang ahensiya na pinapasukan nila’y nasa negosyo pa rin at patuloy na nagbibigay ng serbisyong pang-dyanitor sa iba’t ibang kliyente. Hindi imposible sina Noel ay matanggap muli. Ang kasiguruhan sa pagtatrabaho ay mahalagang karapatan ng bawat manggagawa. Ang karapatang ito’y hindi dapat ipagkait batay lang sa malabong haka-haka o dahilan. Kaya dapat ibalik sina Noel sa trabaho. Ngunit suweldo lang sa nakaraang tatlong taon, at hindi anim na taon, ang dapat ibayad sa kanila. (City Service Workers Union vs. City Service Corp. 135 SCRA 564.) Ang e-mail ni Atty. Sison: josesison@edsamail.com.ph

Show comments