Editoryal - Para kanino ba ang PCGG?

Labing-anim na taon na ang nakararaan mula nang itatag ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) subalit hanggang sa ngayon ay hindi malaman kung para kanino ang komisyong ito. Nakalilito na ang kanilang papel sa bansang ito. Itinatag ang komisyon noong 1986 upang marekober ang mga nakatagong yaman ni dating President Marcos. Ilang komisyoner na ang humawak sa PCGG subalit walang maipakitang katuturan sa tunay na nilalayon ng PCGG. Ang nababalita ay pawang pabor sa pamilyang ang kayamanan ay kanilang iniimbestigahan. Para kanino ba ang komisyon? Pinasasahod ang mga komisyoner mula sa buwis ng taumbayan subalit walang maibigay na tagumpay.

Ang nakapanlulumo ay ang huling balita na ang may 17.5 milyong dollar ng mga Marcos na nakadeposito sa banko sa Switzerland ay hindi na ipi-freeze ng Swiss court. Malaking pagkatalo ito sa panig ng gobyerno. Ganoon na lamang ba iyon pagkaraan ng maraming taon? Bakit pa itinatag ang PCGG kung ganito ang mangyayari? Marami ang nagtataka kung bakit pasirku-sirku na ang paghahabol sa mga ill-gotten weatlh ng Marcos family. Inuunti-unti na at kumukuha na lamang ng buwelo para tuluyang mawala na ang kaso.

Noong February ng kasalukuyang taon ay nakalasap na rin ng pagkatalo ang PCGG makaraang balewalain ng Sandiganbayan ang claim ng gobyerno sa $659.7 million ng mga Marcos. Sinabi ng Sandiganbayan na walang katibayan na ang perang en-scrow sa Swiss bank ay pag-aari ng mga Marcos. Sinisi ng Sandiganbayan ang PCGG sapagkat nabigong iharap ang "authenticated translations" ng rulings ng Swiss Federal Court na nagdedeklarang sa mga Marcos ang pera.

Hindi masisisi ang taumbayan at maging ang mga mambabatas kung batikusin nang walang puknat ang PCGG. Sa takbo ng pangyayari ay wala silang ginagawa at napapabayaan ang kanilang tungkulin. Nagsasayang lamang ng pera ang gobyerno sa pagrekober (kuno) subalit wala namang mangyari at ang napapaboran pa ay ang Marcos family.

Ang PCGG ay itinatag para mabawi ang mga nakaw na yaman. Ngayong lumalabo at walang matanaw na ga-butil na liwanag sa Marcos wealth, may silbi pa ang PCGG. Bakit hindi ito palitan ng isang ahensiyang may sapat na kakayahan para mabawi ang ninakaw? Hanggang kailan maghihintay ang taumbayang ninakawan na ngayo’y nakalublob sa kahirapan ng buhay? Nararapat nang suriin kung kanino ba talaga ang PCGG.

Show comments