Ang pagkakilala ko sa isang albularyo ay matanda, nakasalamin, ngumunguya ng nganga, may panyong nakabalot sa ulo, naka-kamisa Tsino at naka-bakya. At laging atrasado sa anumang usapan. Ni isa sa mga palatandaang ito ay wala si Ka Berong.
Narinig ko ang tungkol sa panggagamot ni Ka Berong sa isang taga-nayon.
Maaari ko bang anyayahan si Ka Berong sa aking opisina? Gusto ko siyang makakuwentuhan," pakiusap ko.
Pupuntahan ko siya Doktor at sasabihin ko ang anyaya nyo, sabi ng mabait na taga-nayon.
Isang Sabado ng umaga ay dumating si Ka Berong. Ang usapan namin ay alas-diyes ng umaga pero alas otso pa lamang ay nasa opisina ko na siya. Isang palatandaan na sabik siyang makipagpulong sa akin. Kasingsabik ko rin na makilala siya.
Pagkatapos ng kumustahan, tinanong ko kung maaaring malaman ang paraan ng kanyang panggagamot.
Gusto mong matuto sa akin Doktor? tanong nito.
Totoo iyon, Ka Berong. Gusto kong magpalitan tayo ng kuro-kuro at higit ay ng kaalaman.
Nagkuwentuhan kami at nagkahulihan ng loob. Hanggang sa dakong huli ay may sinabi si Ka Berong.
"Meron lang akong napapansin Doktor sa pagitan ng albularyong tulad ko at ng doktor na tulad mo. Pag hindi ko kayang gamutin ang pasyente e ipinadadala ko sa inyo. Pero bat pag hindi nyo kayang gamutin ay hindi nyo ipinadadala sa akin.
Hindi ako nakapagsalita. Tama nga siya.