Hindi kami naniniwala na nababawasan na ang mga corrupt sa pamahalaan gaya ng sinasabi ng ilang pinuno. Mahirap mapaniwalaang nababawasan ang mga corrupt sa Bureau of Customs, Department of Public Works and Highways, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Immigration and Deportation at Department of Education, Culture and Sports. Laganap ang lagayan ngayon. Maski sa mga pagkuha ng kung anu-anong permit sa city hall ay nakapaligid ang mga buwaya na nag-aabang ng masisila. Umiikot sa kung anu-anong katiwalian ang buhay ng mga Pinoy. Hindi kikilos ang papeles kung walang "lagay". Hindi lalakad ang anumang ipina-follow-up na dokumento kung walang nakaipit na perang magpapadulas. Nakaugalian na ito at wala nang paraan para makayod ang kanser na ito ng lipunan.
Mas matindi kapag pinasok ng corruption ang mga alagad ng batas. Mas nakatatakot sapagkat hindi biro kung magkaroon ng lagayan o suhulan. Kapalit ng pera, maski ang pinaka-masamang kriminal o may mabigat na kasalanan ay maaaring makatakas sa rehas at maligtasan ang parusang kamatayan.
Isang magandang halimbawa ay ang pagkakatakas ng dalawang Chinese female drug pushers sa Manila City Jail noong Miyerkules. Nilagari ng dalawang bilanggo ang rehas ng kanilang kulungan, umakyat sa 14-foot walls gamit ang pinagdugtong na kulambo at presto. Libre na sila. Ang dalawang Intsik ay sina Chua Rong Rong at Lim Tuy Lim. Nahulihan si Chua ng 14 kilos ng shabu noong June 2000 samantalang si Lim ay walong kilo ng shabu noong August 1998. Pinaniniwalaang sinuhulan ng mga pushers ang mga jail officers nang malaking halaga ng pera. Sinibak na ang jail warden na kinilalang si Supt. Romeo Ogoy.
Kahit saan ay may lagayan at paano uunlad at tatahimik ang bansang ito kung ang lahat ay nababalot na ng corruption. Walang makikitang pag-unlad at katiwasayan hanggat marami ang buwaya at linta na nagpapasasa. Sila ang dapat unahing sunugin.