Maaaring magsara ang pabrika sa pagdagsa ng mga imported cement gaya ng nangyari sa apat na malalaking pabrika ng semento ang Mindanao Portland Cement Corp., Titan Cement, Rizal Cement at Lloyds Richfield Corp. Mula pa noong 1998 ay naramdaman na ng mga local cement manufacturers ang epekto ng pagdagsa ng mga imported. Pinapatay na sila unti-unti hanggang sa tuluyang magsipagsara.
Ang bansang ito ay paboritong bagsakan ng mga kung anu-anong produkto, maski ang toothpick at pangkalikot ng taynga ay ibinabagsak dito ng maraming bansa. Masyadong maluwag ang mga kinauukulan bagay na naging daan upang lalo pang lumala ang smuggling. Maski nga mga lumang damit para sa ukay-ukay ay ibinabagsak na rito. Luging-lugi ang gobyerno dahil sa smuggling at wala namang magawa ang gobyerno para mapigilan ang problemang ito.
Ngayon ngay hindi lamang nagluwag ang Department of Trade Industry sa usapin ng pagdagsa ng semento kundi inalis pa ang taripa sa mga imported. Makikipag-kumpitensiya pa ang sementong ito sa local at sa dami ng mga Pinoy na mahilig sa imported, tiyak na hindi papansinin ang gawang Pinoy. Kawawa naman ang ating produkto na nasasapawan ng gawang dayuhan. Mabigat na epekto ng sinasabing globalisasyon.
Nararapat i-reject ni Trade Sec. Mar Roxas ang hakbang na ginawa ng Tariff Commission upang mapigilan ang pagkawala ng trabaho ng mga maliliit na manggagawa. Isang pagsalungat kay Roxas ang ginawa ng commission sapagkat ang Secretary mismo ang nag-imposed ng taripa. Nakapagtataka kung bakit binaligtad ng commission ang kautusan ni Roxas.
Salungat din ito sa panawagan ng gobyerno na mahalin ang sariling produkto. Tulungan ang local cement manufacturers at ganoon din ang manggagawang Pilipino. Ibalik ang inalis na taripa sa mga sementong dayuhan.