Sunud-sunod ang nililikhang problema at laganap ang tensiyon na may kaugnayan sa kaso ni Estrada. Kahapon ay nagkaroon ng hearing sa Sandiganbayan at patuloy pa ring sinabi ni Estrada na hindi na siya naniniwala sa integridad ng Korte at patuloy din niyang tinanggihan ang mga abogadong iniaalok ng gobyerno. Itinakda sa Abril ang muling pagdinig sa kanyang kaso.
Noong Miyerkules ay kakatwang nagbago ng tono ng pananalita si Estrada at sinabing naniniwala na siya sa justice system at maaari niyang pabalikin ang kanyang mga abogado upang ipagpatuloy ang trial ukol sa kanyang kasong plunder at iba pa. "Naniniwala ako sa ating justice system subalit hindi sa mga taong nagpapatakbo nito," sabi ni Estrada. Hiniling niya ang pagbibitiw ni Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr. at nina Associate Justices Artemio Panganiban at Antonio Carpio.
Sa tono ni Estrada ay hindi maikakailang may bahid pananakot o pamba-blackmail. Dinadala na kung saan-saan ang kaso at iisa ang iisipin na sadyang gustong tumagal ang pagdinig. Hindi lamang si Estrada ang tahasang bumabatikos sa judicial system kundi pati na rin ang kanyang asawang si Sen. Loi Ejercito.
Marami ang nangangamba na sa patuloy na pagbatikos at pagmamarakulyo o pagpapalabas ni Estrada ay magiba ang Malacañang at pumayag nang ma-exile o kayay ipagamot ang may deperensiyang tuhod ni Estrada. Kinatatakutang makipag-compromise ang Malacañang sa bumagsak na Presidente upang maiwasan na ang kaguluhan. Masama kung ganyan ang mangyayari. Kung papayag o maaawa ang Malacañang, isa itong pagkakanulo sa tiwala ng taumbayan. Walang exile at pakikipag-compromise na dapat mangyari kay Estrada.