Ito namang mga senador, congressmen at iba pang mga pulitiko ay panay naman ang sakay sa mga isyu na may kinalaman kay Erap. Kahit na walang mga kakuwenta-kuwenta ang mga palabas ni Erap ay binibigyang-halaga ng Kongreso at ng Department of Justice. Nito lamang mga nakaraang araw mukhang natuto na si Ombudsman Desierto sapagkat nilalabanan na niya ng harap-harapan si Erap at mga abogado nito.
Walang dahilan upang magpukpukan sina GMA at Erap sapagkat nasa hukuman ang mga kaso. Walang pakialam si GMA sa mga Korte kung kayat hindi dapat mag-alinlangan si Erap na iniisahan at inilulubog sa kanyang mga kaso.
Walang kabutihang maidudulot kung magpapadala si GMA sa mga palabas at paghahamon nitong si Erap. Hayaan na lang ni GMA na umatungal at suminghal nang suminghal si Erap. Huwag na niyang patulan. Tutal naman, alam naman ng buong mundo na Ibinigay na ni GMA ang napakaraming luho at benepisyo kay Erap na hindi naibibigay sa isang ordinaryong bilanggo.