Editoryal - TV coverage sa trial ni Erap

NAGKAKAROON na ng tagumpay ang pag-iingay na ginawa ni dating President Joseph Estrada upang mabaling sa kanya ang atensiyon ng taumbayan at hindi sa mga kinakaharap niyang kaso. Nakakaladkad ang isyu at gumagawa ng puwang para humatak ng awa sa masa. Nahahati ang opinyon ng marami. Dahil sa awa kaya marami ang nagsasabi na dapat nang i-exile si Erap. Ang isyu ay natuon sa kanyang may deperensiyang tuhod at hindi na nakikita ang kasong pandarambong. Patuloy ang balitaktakan at maski si dating Senador Benigno Aquino Jr. ay ikinukumpara na rin kay Erap. Magkapareho raw ang sinapit ni Ninoy at Erap. Huh!

Nagsimula ang ingay nang aminin ni Erap na siya nga ang pumirma sa bank documents sa pangalang "Jose Velarde". Marami ang nagulantang sapagkat noong impeachment trial noong November 2000, ikinaila niya ang tungkol sa Velarde. Kasunod ng pag-amin ay ang pagpapatalsik naman niya sa siyam na abogado. Hindi na raw siya naniniwala sa judicial system ng bansa. Hindi raw parehas sa kanya ang Korte. Hindi siya binibigyan ng pagkakataon. Nakalubog na raw siya at ang kanyang pamilya ay patuloy pang inilulubog. Kasunod ay sinabing maaari na raw siyang ikulong sa city jail o sa Muntinlupa, maaari na raw siyang bitayin o i-lethal injection. Hah!

Kasalukuyang naka-hospital arrest si Erap sa Veterans Memorial Medical Center kasama ang kanyang anak na si Jinggoy. Kumpleto siya sa pangangailangan sa hospital, naka-aircon, me television, maaaring mag-party para sa mga kaibigan at pamilya, maaaring uminom at magsugal. Taliwas sa sinasabi niyang hindi patas na hustisyang tinatanggap.

Ang pagtuligsa ni Erap na hindi siya nakatatanggap ng patas na hustisya ay dapat maging hamon sa Sandiganbayan at higit sa Korte Suprema. Patunayan na mali si Erap. Para sa amin, isang paraan lamang ang maaaring gawin upang hindi na makapag-akusa si Erap at ito ang live TV coverage sa mga gagawing trial sa kanya sakalit tanggapin na niya ang mga abogadong alok ng pamahalaan. Ipakita nang buung-buo ang Erap trial at hayaang makita ng masa.

Ang masa ang huhusga kung totoo nga bang hindi siya nakatatanggap ng patas na hustisya.Katulad noong impeachment trial na binulatlat ang lahat at maski ang ekspresyon, pagtanggi at pagsayaw-sayaw ng mga pulitiko ay nakita at nahusgahan. Di ba’t nakita rin ang labanan sa pagbubukas ng kontrobersiyal na envelope na naging mitsa ng pagbagsak ni Erap. I-televised ang trial para walang maibutas.

Show comments