Nakapagtataka naman kung bakit ang parusa sa mga nagkasala ay kailangan pang patagalin. Nahatulan na nga ng kamatayan ay bakit hindi pa igawad upang makamit naman ng mga biktima ang katarungan. Gaano karami ang mga nabiktima ng mga kidnappers na ang ilan ay pinatay makaraang hindi makapagdeliber ng ransom money. Bagamat may bagong palatandaan nang pagiging matigas sa isyu ng death penalty si GMA hindi rin naman nawawala ang alinlangan na hindi ito matuloy dahil sa maraming balakid. Kung magkakaganoon, wala na namang mangyayari at magpapatuloy ang aktibidad ng mga kidnap-for-ransom syndicate. Kawawa ang mga mabibiktima.
Kung may dapat din namang unahing sampulan ang gobyerno, ito ay walang iba kundi ang mga drug traffickers na magpahanggang sa kasalukuyan ay maraming sinisirang kabataan.
Naging matigas si GMA sa mga kidnappers at agad naghayag na may bibitayin at ano naman kaya ang plano niya sa mga drug traffickers. Mula nang ibalik ang parusang kamatayan, wala pang drug traffickers na naparurusahan. Nagpakita ng kalambutan ang administrasyon ni dating President Estrada at walang na-lethal injection. Mayroon pa siyang pinatawad na babaing drug trafficker.
Ang malambot at walang ngiping batas ang nagpalala sa problema ng illegal drugs sa bansa. Madaling tapalan ng pera ang mga awtoridad kaya patuloy na nakapasok ang mga illegal drugs partikular ang shabu. Pati governor, mayor, police officials at mga barangay official ay hawak na ng sindikato ng droga. Isang halimbawa rito ay si Panukulan Mayor Ronnie Mitra na nahulihan ng 500 kilo ng shabu na nakakarga sa ambulance.
Nagpakita na ng tigas si GMA sa mga kidnaper at dapat ay ganito rin ang gawin niya sa mga nagpapakalat ng droga sa bansa. Ang pagpapatupad lamang ng batas ang makasasagot sa lumulubhang problema ng droga. Kakambal ng problemang droga ang paglaganap ng kasong rape, pagpatay, at pagnanakaw.
Ngayoy hindi lamang sa lungsod namamayagpag ang mga drug traffickers kundi pati na rin sa mga liblib na barangay. Ginagawang halimaw ang mga kabataan at maraming pinipinsala. Ang problemang ito ay nangangailangan ng seryosong paglutas. Ilapat na rin ang parusa sa mga salot ng lipunan.