Masarap ang kanin sapagkat milagrosa. Mabango. Lalo akong nasarapan sa pagkain nang maghain ng bagong ihaw na talong si Neneng.
Naku, ang daming ulam. Hindi ako sanay sa maraming putahe. Saan ninyo kinuha ang talong?
Mayroon akong sistema ng pagtatanim ng talong para buong taon ay may ulam kami Doktor, sagot ni Titong.
Huwag mong kuwentuhan si Doktor at naaabala sa pagkain. Kumuha pa kayo ng kanin Doktor. Masarap ang talong sapagkat bagong pitas," sabi ni Neneng.
Ibida mo nga sa akin Titong ang sekreto mo sa pagtatanim ng talong, mungkahi ko.
Kumain ka muna Doktor at mamaya, dadalhin kita sa taniman ko ng talong."
Pagkatapos naming kumain ay dinala nga ako ni Titong sa likod ng bahay. Eto ang sekreto kong talong.
"Puro naman talong ito, sabi ko. Nasaan ang sekreto?
Nasa pagtatanim. Sampung talong ang sabay-sabay kong itinatanim. Sa takdang gulang, inihihinto ko ang pag-abono sa anim na punong talong samantalang ang apat ay dinidiligan ko dalawang beses isang araw at binibigyan ng sapat na pataba hanggang magbunga. Pag naubos na ang bunga ay isinusunod ko nang lagyan ng pataba ang anim na talong para pabungahin. Sa ganitong paraan, mayroon akong talong araw-araw sa panahong wala o bihira sa iba.
Magaling, sabi ko. Ikaw pa lang siguro ang nakagagawa niyan.
Marahil Doktor at dahil diyan, nakararaos kaming mag-anak."
Humanga na naman ako kay Titong.