Editoryal - Terorismo't kahirapan sabay wakasan

SINABI ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa isang talumpati nang bumisita sa United States noong nakaraang linggo na ang terorismo at ang kahirapan ay magkakambal. Kung nasaan ang terorismo ay naroon din ang kahirapan at mahirap itong paghiwalayin.

Maaaring totoo ang sinabing ito ni GMA. Sinasalanta ng terorismo ang kabuhayan at mahirap makabangon ang bansa kapag grabeng-grabe na ang karahasan at mga kaguluhan. Nagkakaroon ng pagkakawatak-watak. Laban sa terorismo si GMA at ito ay hindi na niya itinatago. Hindi lamang malaman kung ang labis niyang paglaban sa terorismo ay nagsimula lamang noong pabagsakin ng mga terorista ang World Trade Center noong September 11, 2001. Ikatlo ang Pilipinas sa mga bansang nagbigay ng suporta sa US para durugin ang terorismo na pinasiklab ni Osama bin Laden. Determinado ang US na wakasan ang terorismo sa buong mundo at sa layuning ito, nasa likod ang Pilipinas sa pangunguna ni GMA. Kaya nga narito na sa Pilipinas ang mga sundalong Kano upang pulbusin ang Abu Sayyaf na galamay ni Bin Laden.

Ang isang hindi malinaw ay kung paano madudurog ang kahirapan na sa panahong ngayon ay lalo pang tumitindi. Wala pa ring pagbabago sa buhay ng mga mahihirap na Pilipino sa kabila na ilang lider na ang nagsilbi. Ang kahirapang ito ay noon pang unang panahon na marahil ay hindi pa isinisilang si Bin Laden.

Marami ang nagsasawa sa karahasan at kaguluhan. Ito marahil ang pangunahing dahilan kung bakit 81 porsiyento ng mga Pinoy ay pabor na madurog na ang Abu Sayyaf nang makamit na ang kapayapaan sa Pilipinas. Sa isang quick survey ng Philippine Information Office (PIO) na ginawa noong January 30 hanggang February 1, marami ang nagnanais na madurog na ang mga bandido. Pabor din sila sa pagdaraos ng "Balikatan 2002". Ang resulta ng PIA ay katulad din ng lumabas na survey ng Social Weather Station (SWS) kamakailan na aprub sa mga tao ang pagpuksa sa mga bandido at pagdaraos ng "war games".

Nakasasawa na ang karahasan subalit nakawawalang pag-asa naman ang kahirapan. Magandang malaman na kalaban ng terorismo si GMA at nararapat din lamang na maging numero uno siyang kalaban ng kahirapan. Kung ipinakikita niya ang katigasan sa paglaban sa terorismo na nagsilang para tawaging "Iron Lady", ganyan din ang gawin niya para madurog at matapos na ang kahirapan sa bansang ito.

Show comments