Hindi si Giuliani ang solusyon sa problema ng Pilipinas

NAGLABASAN ang maraming opinyon at komentaryo tungkol sa balak na pagkuha ni GMA sa serbisyo ni dating New York City Mayor Rudolf Giuliani bilang consultant sa peace and order ng ating bansa.

Mayroong pumapabor at marami rin ang hindi, tulad ko, na maging consultant si Giuliani.

Hayaan na lang nating mag-enjoy sa pagiging retirado si Giuliani. Kawawa naman ang mamang ito kapag tinanggap niya na maging consultant ni GMA. Halos nasisiguro kong magmumukhang tanga siya sapagkat paiikut-ikutin lamang siya ng mga bandidong Pinoy.

Nahuhulaan kong mangangamote si Giuliani sapagkat hindi niya kabisado ang Pinas. Hindi niya kabisado ang iba’t ibang ugali ng Pinoy. May masama at may mabuti. Habang tumatagal ay nadadagdagan ang masasama dahil sa natututunang mga bisyo.

Nagtataka ako kung bakit biglang naisip ni GMA na si Giuliani ang kuning consultant. Naku, Abe, di ba alam ni GMA na siguradong mahal kung maniningil ng fees itong si Giuliani. Kaya ba naman nating bayaran ito? Akala ko ba, poor na poor pa rin ang Pilipinas kung kaya’t panay ang travel ni GMA para mag-apuhap ng pera.

Sa aking palagay, hindi consultant for peace and order at hindi kamukha ni Giuliani ang kailangan upang masupil ang kriminalidad at sari-saring kaguluhan sa Pilipinas. Ang problema sa bayan natin ay ang sobrang graft and corruption. Patuloy din ang pagdami ng mga pulitiko at taong maimpluwensiya. Kapag ito ang nawala, saka lamang magiging mapayapa at uunlad ang ating bansa.

Show comments