Ang trahedya sa Wawa ay nangyari habang may ginaganap na karera ng mga bangka na isa ng tradisyon ng Tanay. Marupok ang kable ng hanging bridge kung kaya bumagsak ang tulay sa bigat ng mga tao. Agad na nag-utos si Mayor Tomas Tanjuatco na magsagawa ng imbestigasyon.
Napag-alaman na ang naturang paligsahan ay walang permiso at koordinasyon sa mga taga munisipyo. Kasabay ng pagkukumpuni ng bumagsak na tulay ay ang pagsisiyasat kung sino ang dapat na kasuhan. Napag-alaman na ang kontratista sa pagkukumpuni ng tulay ay nasa Amerika ngayon. Umaabot sa P6 milyon ang nagastos sa pagkukumpuni ng hanging bridge noong isang taon.
Sa pangyayaring iyon muling nanumbalik sa gunita ang pagbagsak ng Sevilla Bridge na nag-uugnay sa Mandaluyong at Maynila. Marami ang namatay sa trahedyang iyon at kaagad na inutos ng pamahalaan ang pagsisiyasat sa lahat ng tulay sa kapuluan para huwag nang maulit ang malagim na pangyayari. Kung ano ang naging resulta ng nasabing pagsisiyasat ay hindi na alam ng mga mamamayan. Nabigyan ba ng aksyon ang mga bagay na ito o gaya ng iba pang imbestigasyon ay sinimulan lang at walang kongkretong resulta.