Kinahapunan nang aalis na ako ay marami silang pabaon sa akin. Napakaraming nilagang mais, dalawang bungkos na sitaw, mga talong, ampalaya at apat na buko.
"Nag-abala pa kayo Iking. Bundat na ako sa busog ng puting mais na Cebu, e may pabaon pa, sabi ko bilang pasasalamat.
Para sa misis nyo yan, Doktor. Pasalubong at patunay na nakarating kayo rito, sabi ng asawa ni Iking.
"Maraming salamat sa inyo. Kung ganito nang ganito, madalas akong paparito.
Sige, Doktor," sabi ni Iking sabay bitbit sa lalagyang bayong.
Lumapit ang asawa ni Iking at may inabot pang supot. Para naman ho ito sa anak ninyo Doktor. Native na itlog.
Naku, napakarami namang pabaon, sabi kong nahihiya na.
Umalis na kami ni Iking para ihatid sa sakayan. Habang naglalakad ay nagkukuwentuhan kami, Tapatin mo ako Iking. Talaga bang nagtatanim ka ng mais? Balita ko ngayon lang.
Matagal na Doktor, sagot ni Iking. Nang malaman ko na mahilig pala kayo sa nilagang mais ay dinamihan ko pa ang aking tanim. Para lalo kayong dumalas sa pagbisita sa amin.
Mababaw ang kaligayahan ko, Iking. Pero ikaw at ang pamilya mo ang unang dahilan ng pagparito ko. Ang mais ay pangalawa lamang."
Pagdating sa highway ay naghihintay na ang jeepney na sasakyan ko. Nagpaalam ako kay Iking at nagpasalamat ako sa maraming pabaon. Masarap talagang magkaroon ng kaibigan sa nayon.