Mas lalo nang hindi madama ang kagat ng batas dito kung ang kasangkot ay mga matataas na pinuno ng pamahalaan. May mga napaparusahan subalit mga maliliit na isda lamang. Iyong mga pating ay patuloy na maligaya sa labas ng piitan. Wala pang naipakukulong na malaking isda ang pamahalaan. Ang pagkakapatalsik kay dating President Joseph Estrada noong January 20, 2001 ay itinuturing na tagumpay ng taumbayan na sawang-sawa na sa katiwaliang namamayani sa lipunan. Marami ang nasiyahan sapagkat sa ikalawang pagkakataon, may isa na namang pinuno na naaakusahan ng pandarambong ang naalis sa puwesto. Isang tagumpay na nagsilang sa EDSA 2. Subalit ang tagumpay pala ay bitin at nasa balag ng alanganin. Pagkaraan ng isang taon, ang Presidenteng binaklas ng taumbayan ay hindi pa nahahatulan. Hindi pa nga gumagalaw ang napakaraming kasong kinakaharap na ang isa ay plunder. Ang plunder ay may kaparusahang kamatayan kapag napatunayan.
Ilang ulit na naatraso ang trial kay Estrada. Maraming dahilan kung bakit urung-sulong ang pagdaraos ng trial. Pasirku-sirku na. Lalo pang tumagal nang magbangayan sina Sandiganbayan Presiding Justice Francis Garchitorena at Justice Anacleto Badoy. Si Badoy na humahawak ng kasong plunder ay nag-sick leave. Hanggang sa wala na yatang ibig humawak ng kaso ni Estrada. Kamakalawa, isang special anti-graft court ang itinatag ng Supreme Court para humawak sa lahat ng kaso ni Estrada. Noong Lunes ay naka-schedule ang trial ni Estrada subalit ipinagpaliban dahil sa blackout. Ini-reset ang trial sa January 28 at 30.
Naiinip na ang taumbayan na makita ang katotohanan. May palagay kami na maaaring pagsawaan na ang kasong ito ni Estrada. Mawawala na sa isipan ng taumbayan hanggang sa tuluyang malusaw ang ipinaglaban sa EDSA. Ang masamang sistema ng ating batas ang dapat sisihin sa nangyayaring ito.