Nang makita ko si Iking ay tinanong ko ang tungkol sa pagturo ng daliri sa bunga ng upo. Totoo nga raw iyon kaya huwag ko nang ituturo.
E kung tusukin ko ang sanga gaya ng turo mo sa akin para magbunga.
"Hindi na tatalab Doktor, sabi ni Iking. Tatakutin nyo lang ang upo.
Isang umaga ay nagkasabay kami ng asawa ko sa ilalim ng balag. Nagrereklamo pa rin ako dahil iisa nga ang bunga.
Dapat siguro ay kausapin mo, sabi ng asawa ko.
E kung sumagot sa akin. Tumawa ang asawa ko.
Hindi lang iyon. Masyadong maraming dahon. Doon napupunta ang sustansiya mula sa patabang ipinakakain mo, sabi pa ng asawa ko.
Saka ay pinagpuputol ng asawa ko ang mga dahon ng upo.
Paglipas ng isang linggo, naglabasan ang mga bulaklak ng upo. Tama ang asawa ko. Pero may bagong problema: Ang mga kulisap na sumisipsip sa umuusbong na bunga.
Tinanong ko ang eksperto sa mga kulisap. Pinabili ako ng insecticide pero walang epekto. Hindi nabawasan ang kulisap. Kaya kinunsulta ko si Iking. Magsunog kayo ng lumang gulong, payo nito.
Ginawa ko iyon pero napakabaho pala ng goma. Ang pumupuntang mga tao sa bahay ay nabubulabog at nagsisialisan sila.
Siyempre naman, Doktor. Kung ang tao ay umaalis, kulisap pa kaya?
Mula noon nawala ang kulisap sa aking upo.