Pilay ang military at walang magawang paraan kung paano mapupulbos ang mga bandido. Huling baraha na ng gobyerno ang mga Amerikano para masugpo ang mga bandidong nakakukuha ng suporta at pera sa international terrorist na si Osama bin Laden. Marami ang tumututol sa pagdagsa ng mga sundalong Kano pero ang nakapagtatakay wala naman silang maibigay na suhestiyon kung paano wawakasan ang problema na nagpalubog sa imahe ng Pilipinas. Hindi na makabangon sa taguring "kidnapping capital ng mundo". Ang sakit nito!
At hindi pa man nadudurog ang mga Abu Sayyaf, sumulpot ang isa pang grupo at gumagawa ng pangalan sa larangan ng pangingidnap at pagkamal ng ransom. Lumitaw ang Pentagon gang at nakapagtala na nang mga serye ng pangingidnap noon pang nakaraang taon. Sila ang responsable sa pagkidnap sa apat na Chinese sa North Cotabato at Maguindanao noong nakaraang taon. Dalawa sa mga Chinese ang pinatay ng grupo makaraang makaengkuwentro ang militar. Dalawang Chinese naman ang napalaya noong October 2001 makaraang makialam ang Libyan ambassador. Ang Pentagon gang din ang kumidnap kay Catholic priest Guissepi Pierantoni sa Dimatiling, Zamboanga del Sur noong October last year.
Ang pinakahuling biktima ng Pentagon ay si Dr. Rosemarie Agustin, 53. Kinidnap si Dr. Agustin sa Cotabato City noong Martes dakong alas-diyes ng gabi.
Maaaring magwakas na nga ang mga Abu Sayyaf sa kabila ng mga batikos ng pulitiko, subalit narito na naman ang isang grupo na maaaring lumumpo sa imahe ng bansa. Habang maaga pay durugin na rin ang Pentagon gang. Huwag nang pakinggan ang mga batikos, ang mahalagay masiguro ang kaligtasan ng mamamayan at mga dayuhang tutungo rito sa bansa.