Editoryal - Huwag susundan ang yapak ni Nur

NAGING kawawa ang anim na probinsiya na nasasakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa panahon ng pamumuno ni dating Gov. Nur Misuari. Sa halip na umunlad ang rehiyon, lalo itong nasadlak sa hirap at nagkaroon ng maraming problema. Nagluwal sa maraming pagrerebelde at naging santuwaryo ng mga bandidong walang alam gawin kundi ang mangidnap para ipatubos. Kinatakutan ang Mindanao sa kabuuan at binalaang huwag pupuntahan lalo pa ng mga turista o mga banyaga. Walang nabuo sa magandang pangarap kung bakit itinatag ang awtonomiya.

Ang pagkukulang ni Misuari ang nararapat punuan ngayon ni ARMM Gov. Dr. Parouk Hussin. Pormal na umupo bilang ika-apat na governor si Hussin noong Sabado. Nanumpa siya kay President Gloria Macapagal-Arroyo. Tinanggap ni Hussin ang symbolic key mula kay GMA na nagbubukas sa pag-unlad ng Mindanao. Sa talumpati ni Hussin sinabi niyang nangangako siya ng kaseryosohan, dedikasyon at determinasyon upang paunlarin ang mahirap na rehiyon.

Ang ARMM ay binubuo ng mga probinsiya ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, Tawi-Tawi at ng siyudad ng Marawi. Kawawa ang mga probinsiyang ito na pinabayaan ni Misuari. Wala siyang nagawang pagbabago sa kabila na nagkaloob ang gobyerno at iba pang bansang Muslim para ito paunlarin. Nabalot ng mga anomalya ang pamumuno ni Misuari at nakita ito sa bankaroteng kaban ng ARMM bago niya tinakasan noong November 19, 2001. Ayon sa report, P400,000 lamang ang nasa treasury ng ARMM na dapat sana’y P20 million ang narito.

Maraming dapat pagbayaran si Misuari na naging traidor pa sa pamahalaan. Makaraang palayawin ni dating President Fidel Ramos noong 1996 ay mas ginusto pa nitong maglagi sa ibang bansa, partikular sa Saudi Arabia kaysa asikasuhin ang mga mahihirap niyang constituents. Pinaratangan pang lumalabag ang gobyerno sa kasunduan sa MNLF na dati niyang pinamumunuan. Pinasiklab ang isang rebolusyon noong November at marami ang napatay. Hinostage ng kanyang mga tulirong tagasunod ang mga sibilyan sa Zamboanga. Nahuli siya sa Malaysia. Idineport kahapon ng Malaysia si Misuari at ngayo’y nakakulong sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.

Tama lamang na hindi dapat tularan ni Hussin ang ginawa ng dating governor. Hindi niya dapat sundan ang yapak nito na pawang pangsarili ang iniintindi. Pamunuan niya ng may kaseryosohan ang ARMM at paunlarin upang magkaroon ng kasaganaan at kapayapaan.

Show comments