Mailap na kapayapaan

ANG taong 2001 ay naging mailap sa kapayapaan hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong daigdig. Mataas pa rin ang antas ng kriminalidad at nagpatuloy pa rin ang pagdukot ng mga bandidong Abu Sayyaf sa mga inosenteng sibilyan at kamakailan ay ang pag-atake ng mga rebeldeng MNLF sa ilang kampo ng militar sa Mindanao.

Naging pandaigdig na usapin ang terorismo nang atakehin ang Amerika noong September 11 dahilan upang maglunsad ng pagganti sa mga Taliban sa Afghanistan. Samantala, patuloy pa rin ang patayan sa Israel sa pagitan ng mga Palestinians at Israelis at sa kasamaang palad may isang kababayan tayong namatay dahil sa mga kagagawan ng suicide bomber.

Nakakalungkot mang isipin na sa paggamit ng dahas upang maisulong ang pansariling interes ng ilang grupo ay nadadamay ang karamihan. Sa ganitong konteksto, maging mga bata ay nagiging saksi at biktima sa makitid at walang pusong pagkilos ng iilang grupo. Sadya bang nakalimutan na ang pagmamahalan at paggalang sa pagkatao ng bawat isa? Hindi ba’t tungkulin nating palakihin ang ating mga anak sa isang mundong puno ng pagmamahal, paggalang at respeto sa ating mga pagkakaiba maging sa kultura man, lahi, relihiyon o paniniwala?

Tungkulin nating ipamulat sa ating mga anak na ang paglutas ng mga alitan at hindi pagkakaunawaan ay sa pamamagitan ng matiwasay at mapayapang paraan. Kung gaano tayo nagpupursiging bigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga anak na malaya sa kahirapan ay ganoon din sana ang ating dedikasyon na iwanan sila ng bansang mapayapa na walang naghaharing poot at pagkamuhi.

Huwag nating hayaang maging ang ating mga anak ay lumaki sa isang mundong puno ng galit, karahasan at paghihiganti. Muli, simulan natin sa ating mga tahanan at pamilya ang pamumuhay ng mapayapa at matiwasay. Sa loob ng tahanan matuto ang ating mga anak ng pagmamahal, pagpapatawad, pagtanggap at paggalang. Sa ganitong paraan, matututo silang gumalang sa kanilang kapwa at pahalagahan ang buhay ng bawat isa, mga susi sa pagkamit ng kapayapaan at matiwasay na pamumuhay.

Show comments