Si Nida (Dorothy Jones sa tunay na buhay) ay kinagiliwan ng maraming tao dahil sa husay niyang gumanap. Tinagurian siyang the total performer dahil sa galing niyang sumayaw, kumanta, mag-comedy at mag-drama. Ilan sa pelikula niya na hindi malilimutan ng mga tagahanga ay ang Batanguena, Waray-waray, Galawgaw, Aling Kutsero, Babaeng Hampaslupa at Tumbalik na Daigdig na ang kapareha ay ang ka-love team na si Nestor de Villa.
Unang nagkamit ng FAMAS award si Nida sa Korea na screenplay ng yumao at dating Senator Ninoy Aquino. Pinarangalan siya ng ibat ibang award giving bodies sa Miguelito, Magdusa Ka at Sana Pag-Ibig Na. Ang John and Marsha nila ni Dolphy ay napakatagal na napanood sa TV. Malaki rin ang naging papel ni Nida Blanca sa pagsuko at pagbabagong-buhay ng maraming Huk. Pinarangalan siya ng gobyerno sa kanyang dakilang misyon.
Nakalulungkot isipin na ang isang huwarang artista gaya ni Nida ay nagkaroon ng malagim na wakas. Sana naman ay magkaroon na ng kalutasan ang karumal-dumal niyang kamatayan.