Masama ang paratang na ito ni Serge. Hindi ito ang kauna-unahang paratang laban kay GMA. Dati-rati ay si First Gentleman Mike Arroyo lamang ang pinararatangan ng paggawa ng hindi nararapat. Ngayon pati si GMA na.
Kaya lang, sa pagkakataong ito, marami ang nagtatanong kung bakit si Serge pa ang lumilitaw na sumisira kay GMA. Para bang pinalalabas ni Serge na hindi lamang alam ni GMA ang ginawang ransom para kay Romero kundi sangkot mismo nang personal dito ang Presidente. Matindi ito sapagkat kamakailan ay may ginagawang imbestigasyon ukol sa pagkakasangkot ng ilang matataas na pinuno ng military sa mga lagayan ng ransom money. May alegasyon na kasama raw ang mga opisyal ng military hindi lamang sa mga ransom money kundi pati na rin sa pagbibigay-proteksiyon sa mga miyembro ng Abu Sayyaf.
Dapat na linawin kaagad ni GMA na hindi siya sangkot sa mga paratang ni Serge. Nararapat niya itong ipaliwanag na mabuti at sana ay siguruhin niyang maniniwala sa kanya ang nakararami. Sana ay mahinto na ang siraan lalo na ang paninira kay GMA. Hindi ito maganda sa bansa. Paano tayo makaaahon kung masisira ang kredibilidad ng ating Presidente? Hinay-hinay lang mga abay.