EDITORYAL - Iligtas ang coco funds sa mga gahaman

MALABO pa at masalimuot ang isyu sa coco levy funds subalit nakatutuwa na ring malaman na may mga kongresistang gusto itong protektahan at ipaglaban para hindi mapunta sa mga gahaman. At tila naririnig ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang atungal ng pagtutol sa kontrobersiyal na pondo na 16 na taon nang problema ay hindi pa nabibigyan ng solusyon. Noong Lunes, sinabi ni GMA na huwag pagtibayin ang compromise settlement sa pamamagitan nina businessman Eduardo "Danding" Cojuangco at Zamboanga City Mayor Ma. Clara Lobregat na Chairman din ng Philippine Coconut Producer’s Federation (Cocofed) na nilagdaan noong October 28 sa Davao City. Sinabi ni GMA na ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na ang bahala sa kontrobersiyal na coco levy funds. Ni-reject ni GMA ang kasunduan na ibinroker ng kanyang publicist na si Dante Ang.

Pero kung hindi nabulgar ang nasabing isyu, maaaring nahulog na naman sa isa pang patibong ang gobyerno at tiyak na magiging kawawa ang maliliit at mahihirap na magniniyog sapagkat ang perang sapilitang kinaltas sa kanila mula 1972 hanggang 1982 ay kung kaninong gahaman marahil mapupunta. Itinatanggi ni GMA na may kinalaman siya sa compromise settlement na inayos ni Ang subalit sinabi ni Davao City Archbishop Fernando Capalla na may alam sa kasunduan ang Presidente. Noong Lunes din, sinabihan ni GMA si Ang na huwag nang makialam sa isyu ng coco funds.

Umaabot na ngayon sa P130 bilyon ang pondo. Tatlong Presidente na ang umupo subalit walang nagawang solusyon tungkol dito sa kabila na noon pa ipinaglalaban ng mga magniniyog. Ngayong nasa PCGG na ang isyu, nararapat na hindi na dapat pang pagtagalin kung kanino nga ba dapat mapunta ang pera. Naghanda ang PCGG na tinatawag na interim formula para ma-release na ang P130 bilyon. Unang formula ay ang posisyon ng PCGG na dapat ideklarang public ang pondo at ikalawa, ire-release ang portion ng pondo sa mga maliliit na coconut farmers at hindi sa mga organization.

Harinawang hindi mabago ang stand ni GMA sa kontrobersiyal na pondo at maibigay na ito sa mga tunay na coconut farmers. Kailangang tapusin na ang problema upang mapakinabangan ng mga maliliit na magsasaka. Nararapat pang pagsikapan ng siyam na kongresistang pinangungunahan ni Leyter Rep. Ted Failon para maprotektahan ang pondo para hindi mapunta sa mga gahaman. Tama na ang pagsasamantala sa perang puwersahang kinuha sa mga maliliit na magniniyog.

Show comments